Una sa Balita

LETTER TO THE EDITOR

0 5

Dear Sir/Madam:

Hindi lamang ang Maute-ISIS, Abu Sayyaf, at NPA ang namamayagpag ngayon, humahabol na rin ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighter sa paghahasik ng lagim. Linusob nila ang nasa limang detachment ng Army sa probinsya ng Maguindanao.

Ngayon malalaman ng taumbayan kung karapat-dapat pa ba na palawigin ang Martial Law o hindi na. Kung hindi na, goodbye kapayapaan na talaga at kung itutuloy pa maaari tayong umasa na makikita pa natin ang daan patungo sa kapayapaan.

Samu’t saring paniniwala, iba’t ibang dahilan ngunit ang malinaw lang ang lahat ng rebelde at teroristang grupo na ito perwisyo ang hatid sa sambayanang Pilipino. Kung walang martial law ano pa nga ba ang mas malalamang maaaring mangyari sa ating bansa? Maaari lang naman tayong mamuhay ng kasama ang mga tero­rista na mayroong takot at kaba.

Sa nagsasabing iti­gil ang Martial Law, maghanap muna kayo ng maaaring ipalit o gawing paraan upang masugpo ang terorismo bago nyo kundenahin ang batas militar na pinatupad ng pangulo. Hindi tayo titigilan ng mga rebelde at terorista hangga’t mayroong mga tulad ng makakaliwang nagpapakita ng pagkundena sa gobyerno. Pagkakaisa ang ating panlaban upang mapigilan natin ang paglobo at paglawak ng karahasan.

Klein De Guia
Guagua, Pampanga

Dear Ma’am/Sir:

Kung marami ang may ayaw sa Martial law, mas marami naman ang pabor dito patunay diyan ang naging botohan sa Kongreso maging ang mga survey. Buong suporta ang ipinaabot ng Muslim Community sa Bantay sa Ilocos Sur. Ayon kay Imam Kamal Ampa naniniwala siya na susi ang Martial Law upang mawakasan ang karahasan sa Mindanao lalu na sa Marawi City.

Mabuti pa ang mismong mga Muslim sang-ayon sa Martial Law, patunay lamang ito na batid nila na hindi kakayanin lang ng mga lider ng Muslim community ang terorismo, nangangailangan sila ng tulong mula sa gobyerno at militar upang matugunan ang nagaganap na kaguluhan bunsod ng terorismo.

Malamang sa malamang ‘yung mga makakaliwang grupo at rebeldeng samahan na tatamaan ng Martial Law ang nag ngingitngit ngayon sa galit dahil ‘di nila malaman paano nila lulusutan ang balakid na Batas Militar para sa mga kawalangyaang nais nilang gawin.

Kaya maging mapagmatyag tayo bilang tulong narin natin sa pagsugpo sa terorismo.

Andrew Aranas
Tanay, Rizal

Dear Sir:

Naglipana na ang mga ‘di pabor sa pagpapahaba pa ng Martial Law. Isa na si Sen. Risa Hontiveros, ayon sa kanya wala umanong naitutulong o maitutulong ang Martial Law sa sandatahang lakas ng Pilipinas.

Kung ganon, baka si madam Risa, may alam o may kakayanang gumawa o makaisip ng paraan para hindi mahirapan supilin ng otoridad ang mga terorista? Baka sakaling pumayag si tatay Digong na alisin na sa ilalim ng Martial Law ang buong Mindanao?

Sa sobrang intelihente niya mukha yatang hindi na mahagip ng pag-iisip niya kung para saan ang Martial Law? Nakakalimutan na yata niya na nais ng pamahalaan na muling ibangon ang Marawi, at hindi nila ‘yan magagawa kung may mga terorista at rebeldeng p’wedeng umatake sa mga rehabilitasyon anumang oras kung hindi iimplementa ang ML.

Dapat bago kumondena si madam sa ML na ayon sa kanya ay walang maitutulong, maghanap muna siya ng paraan na ipampapalit sa ML para masiguradong walang balakid sa kapayapaan at pag-aahon na gagawin sa Marawi. Mag-move on ka na senatora at ‘wag mong itulad ang ML ni tatay Digong kay Lolo Marcos.

Jamaica Rey
Compostela Valley