Una sa Balita

Letter to the Editor 06/28/2016

0 77

Dear Editor,

Nakakabahala itong ginagawa ng Al-Qaeda linked Abu Sayyaf sa pamamagitan ni Isnilon Hapilon na nagre-recruit daw ng mga bagong miyembro nila. Ginagamit pa ang pangalan ng Islamic State of Iraq and Syria o ISIS sa gawaing ito.

Ito ay nagaganap sa Basilan sa mga bayan ng Tipo-tipo at Al-Barka. Patuloy daw ang gawaing ito, ibig sabihin may pondo sila ayon sa isang impormante. At meron na silang na-recruit na 20-katao na kabilang sa mga Yakan, dahil si Isnilon ay galing din sa Yakan tribe. Pinangakuhan pa sila ng tig-P5,000 cash kada meeting na dadaluhan at may M-16 rifle pa. Ang Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Rajah Solaiman Movement pala ay nanumpa na ng katapatan sa ISIS. Ibig sabihin miyembro na sila sa ISIS.

Sa mga magulang na kagaya ko, bantayan natin ang ating mga anak baka isa sila sa ma-recruit ng Abu Sayyaf. Mahirap ang buhay ng isang rebelde, patagu-tago, walang matinong tirahan. Lalo pa at mga bata ang nire-recruit nila. Pagsikapan natin na mabigyan ng magandang buhay ang ating mga anak para hindi madaling tumalima sa kung anu-anong alok ng mga rebelde.

ARTHUR B. ORIONO
Isabela City

***

Dear Sir,

Nagwakas na ang mahigit limampong taong pamamayani ng mga gerilya sa Colombia. Ito ay pagkatapos ng ilang taong usapang pangkapayapaan. Ito ay inanunsyo ng spokesperson ng Colombian government at Revolutionary Armed Forces of Colombia (FARC) kamakailan.

Nakapag-isip-isip na rin siguro ang mga geril­yang ito na kailangan sila ng kanilang pamilya dahil meron akong napanood na video na ang laman ay ang panghikayat sa kanila, ipinakita pa ang litrato ng kani-kanilang anak. Sino ba naman ang hindi maghahangad na makita at makapiling ang pamilya lalo na ‘pag nakita mo ang litrato ng anak mo, na lumalaki na wala ka sa tabi niya. Lalo na sa mahahalagang okasyon, Pasko, birthday at iba, siyempre gusto natin makapiling ang pamilya natin.

Sana ganito rin ang maisip ng ating mga kapatid na rebelde na sa kabundukan naninirahan. Ayaw ba ninyong mabuhay nang tahimik kasama ng inyong pamilya? Ayaw ba ninyong mayakap sila, mahalikan at makasabay kumain? Sana magbago na kayo ng panuntunan sa buhay. Masarap mabuhay na hindi patagu-tago.

ESTER FERRER
Angeles City

***

Dear Sir,

Pursigido talaga ang incoming Duterte administration na ituloy ang usapang pangkapayapaan para matuldukan na ang 40-year communist insurgency dito sa ating bansa. Maganda ang naisipang ito na unahin ang kapayapaan natin. Marami ang mabibiyayaan nito. Marami ang matutuwa.

Matagal nang naghahasik ng lagim sa lipunan ang mga rebeldeng grupo. Marami ng nasisira ang buhay, napapatay, naki-kidnap for ransom, nasusunog at iba pang krimen ang nagagawa ng mga grupong ito.

Panahon na upang magbago sila ng pamantayan sa buhay. Sigurado ‘pag natikman nila ang buhay na hindi patagu-tago, walang kinakatakutan, sa bundok umiikot o nakatira, magsisisi sila kung bakit sila sumanib sa grupo o bakit hindi pa noon ginawa ang usapang pangkapayapaan.

Opinyon ko lang po ito bilang mamamayan na naghahangad ng kaunlaran at kapayapaan ng ating bansa.

JOHNNY SEVILLA
San Juan City

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy