Una sa Balita

LETTER TO THE EDITOR – 04/29/2017

0 105

Dear Editor:
Delikado ang katayuan ng oposisyon sa panahon ngayon na si Presidente Duterte ang namumuno sa bansa. Kapag ang oposisyon ay may pagpuna o kritisismo, maging constructive man, ay pinuputulan ng pakpak, tulad ng nangyari kay Sen. Leila de Lima. Siya ay kinasuhan na protektor ng mga drug lords.

Tama man o mali ang ibinibintang sa kanya ay bakit napakabilis at marahas ang pag-aresto sa kanya? Maaalalang si Pangulong Duterte, noong alkalde pa ito ng Davao City, ay inimbestigahan ng senadora nang ito ay chairman pa ng Human Rights commission tungkol sa napapabalitang Davao Death Squad. Naging personalan ito sa Presidente kaya noon ay pinag-initan na ang senadora, at yaon ay napupuna sa maiinit na batikos ng Presidente laban kay De Lima.

Nang si Bise-Presidente Leni Robredo naman ay nagpadala ng video message sa United Nations hinggil sa napapabalitang “palit ulo” scheme ng PNP anti-drug operations, siya ay agad binantaan ng impeachment ng mga Duterte allies, at sinabing taksil daw sa bayan dahil sa pagbubunyag ng mga anomalya. Kung matatandaan din ay hindi na pina-aattend sa cabinet meeting si Robredo, at hindi na dinidinggin ng Pangulo sa kanyang mga sinasabi, kaya naman sa international body na lang tulad ng U.N. ito dumudulog. Hindi rin tinitigilan ang Bise-Presidente ng electoral protest galing kay Bongbong Marcos, na hindi matanggap ang pagkatalo. Alam niyang kakampi niya ang Presidente at si Speaker Alvarez na lantarang suportado siya sa kanyang protesta.

Maging yaong mga miyembro ng coalition sa Kamara na hindi pumabor sa death penalty bill ay tinanggalan ng chairmanship ng kanya-kanyang committee. Kung kabilang man sa Gabinete at iba ang naging pananaw mo sa isyu, ay sinisibak agad-agad kahit wala ng imbestigasyon, masabi lang na walang kai-kaibigan. Magandang pakinggan sa una, pero nakakabahala, may chilling effect. Mukhang naisasantabi ang pagtalima sa Saligang Batas at mga umiiral na batas, at ‘yun lang personal na paniniwala ng Presidente ang nasusunod.

Makatawag sana ng pansin sa lahat ng isang tao lamang ang nagpapasya – at ito ba ay demokrasya pa rin o patungo na sa diktadurya?

NESTY REYES
Bacoor City, Cavite

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy