Una sa Balita

LETTER TO THE EDITOR 09/06/2017

0 4

Dear Editor:

Isang postibong balita ang nabasa ko noong isang araw. Kinasuhan na nang Philippine National Police (PNP) ang dalawang pulis na bumaril at pumatay kay PFC Rodilo Bartolome na kung ating maaalala ay ­binaril at pinatay ng dalawang pulis na ito dahil sa maling akala sa Zamboanga del Sur.

Sana ay magtuloy-tuloy na ito at matanggal sa pagkapulis at makulong ang dalawang ito dahil isa silang kahihiyan para sa PNP.

Hindi sila nararapat na magsuot ng uniporme at ranggo na hindi naman nila kayang pangatawanan at bigyan ng respeto Isa silang kasiraan para sa mabubuti at matitinong mga pulis.

Ang mga pulis ang tagapatupad ng batas at ang tagapatanggol naming mga Pilipino kaya ganoon ang lungkot at galit ko na lang noong mabalitaan ko ito.

At ang napatay nila ay isang bayani rin ng bayan. Isang inosenteng sundalo na nakipaglaban sa Marawi para sa kapakanan ng marami.

Hindi man na maibabalik ang buhay na nawala pero hinding-hindi mababalewala ang ginawang sakripisyo ni PFC Bartolome at ang pagkakaso sa mga pulis na pumatay sa kanya ay isang daan na para mabigyan siya ng hustisya na nararapat sa bawat mamamayan ano man ang iyong tungkulin.

Related Posts

Masasabing isa itong positibong hakbangin mula sa PNP at pinapatunayan nila na wala silang kukun­sintihin sa kanilang hanay.

Dapat ay huling pangyayari na ito dahil hindi maganda na nagkakaroon ng ganitong sigalot ang dalawang hanay na parehong tagaprotekta ng ating bansa.

Magkakampi ang mga sundalo at pulis at hindi dapat nagkakaroon ng away o hindi pagkakaunawaan.

Milagros E. Esquijo
Sultan Kudarat

***

Meron ba kayong saloobin na gustong iparating sa patnugutan ng ABANTE o gustong ipaalam sa gobyerno sa pamama­gitan ng inyong lingkod na dyaryong ito? Ipadala lamang sa email address na ito:abante_editor@yahoo.com

Importante: Opsyon ng nagpadala kung hindi ipapabanggit ang kanyang pangalan at iba pang impormasyon sa publikasyon ng sulat, pero kailangang nasa email ang kumpletong pangalan, contact number at address (for Abante file purposes). — Editor