Una sa Balita

LETTER TO THE EDITOR 09/05/2017

0 3

Dear Sir:

Bantay sarado umano ng militar ang mga isla sa Spratlys Group of Island. Kasama rito ang Kota Isla, Pag-asa, Ayungin Shoal at marami pang iba.

Nararapat lang na gwardyahan ng Pilipinas ang mga isla nito, yan ay kahit alam nating ­gahigante pa ang kapangyarihan ng ibang bansa partikular ang China.

Hindi tayo dapat pumayag na mag-trespassing at basta na lang nag tatayo ng mga iligal na istruktura ang mga bansang nakikipagmatigasan sa pag-angkin ng ating teritoryo.

Tunay nga na ma­lakas ang China kung ihambing sa Pilipinas, hindi talaga natin sila kayang tapatan ngunit hindi rin ­nangangahulugan na dalawang kamay natin itataas ito sa mga dayuhan.

Magkaroon man tayo ng utang sa ibang bansa, maaari pa rin natin itong mabayaran kahit ilang dekada pa ang abutin, ngunit kung teritor­yo na ang aagawin ibang usapan na ‘yan.

Owen R. Daez Nueva Ecija

***

Dear Sir:

Isang magandang balita ang pag aalok ng tulong ng bansang Australia sa Pilipinas para hasain ang AFP sa paglaban sa ISIS.

Sabi nga ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, hindi lang ­Pilipinas ang may problema sa banta ng terorismo kundi maging ang maraming bansa.

Tunay ngang mabigat na problema ng lahat ang terorismo. Nilinaw rin ni Abella na limitado ang mga teknikal na pag-aaral, pagsasanay, pagkalap at pamamahagi ng mga impormasyon, bagay na nararapat lang.

Related Posts

Ayon naman kay Australian Foreign Minister ­Julie Bishop, handang sumuporta ang Australia sa ating bansa tulad ng pagsuporta nito sa Iraq sa pagpa­payo, paggabay at pagsasanay ng mga sundalo.

Sa panahon ngayon wala ng masama kung tumanggap man tayo ng tulong mula sa ibang bansa (p’wera na lang China) dahil totoo naman kay­langan rin natin.

Siguro, sa panahon na tayo naman ang may kakayahang magbigay ng tulong sa ibang bansang nangangailangan nito ay bukas palad rin tayong tutulong. Partikular na ang tungkol sa terorismo.

Jamaica Rey Compostela Valley

***

Dear Sir:

Nauubusan na ng pagkain at bala ang mga tero­ristang nag pasimuno ng gera sa Marawi.

Itong mga teroristang dahilan ng pagkawasak ng maraming ari-arian, kumitil ng maraming buhay, sumira ng mara­ming pangarap, ngayon ay nasa estado na ng paghihirap at taggutom.

Umaasa ang militar na matatapos na ang krisis sa Marawi sa mga susunod na linggo.

Tanging ang mga sibilyan na ginagamit ng mga terorista nalang ang nagiging hadlang para puspusan ng burahin ng ­militar ang mga terorista.

Tinitiyak rin umano ng mga sundalo na habang patuloy ang pagtugis nila sa mga terorista ay isinasang-alang alang rin nila ang kapakanan at buhay ng mga sibilyan.

Sana ay magwardyahan ng mabuti ng ating otoridad ang mga terorista at masiguradong hindi na makakapuga pa ang mga ito, lalung lalo na ang lider nilang si Isnilon Hapilon.

May posibilidad na magtayo pa ‘yan ng panibagong teroristang grupo sa oras na makawala pa sya sa kamay ng ating otoridad. Dana Del Rosario Camarines Norte