Una sa Balita

LETTER TO THE EDITOR 08/19/2017

0 2

Dear Sir:

Hindi na lingid sa ating kaalaman ang mala­lang problema ng ating bansa lalo na sa terorismo.

Ang isa pa sa nakakabahala dito ay ang pagre­rekrut ng kabataan ng mga grupong walang awang pumapatay at naghahasik ng lagim.

Ayon pa sa United Nations isang malaking problema talaga sa Pilipinas ang paggamit ng kabataan bilang mandirigma ng mga rebeldeng at te­roristang grupo.

Isa ito sa paglabag sa karapatang pantao, ngunit bakit ito ay hindi magawang silipin at sitahin ng Commission on Human Rights? Puro na lamang gobyerno ang binabagsakan ng sisi.

Nakakaawa ang sitwasyon ng mga menor de edad na ginagamit ng mga terorista bilang ‘human shield’ at napipilitan pumatay ng kanilang kapwa ng dahil sa banta sa kanilang buhay.

Sana umaksyon rito ang CHR kung tunay ngang sila ay may pagpapahalaga sa tunay na karapatang pantao.

Tuligsain nila ang mga ganitong pangyayari, bilang pagpapakita ng tunay na sinseridad nila para sa taumbayan.

Jersan Arguilles
Mindoro

***

Dear Sir:

Nakikisawsaw nanaman ang Commission on Human Rights sa usapin tungkol sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan, patungkol sa paaralan ng mga lumad.

Mukhang hindi yata naintindihan ni CHR Chairperson Chito Gascon ang pahayag ng Pangulo.

Palilikasin ng Pangulo ang mga tao sa eskwelahan ng lumad bago ito pasabugin. Yan ang tuwirang ihinayag ni Digong upang hindi na gawing ‘breeding ground’ ng mga makakaliwang utak.

Tutal hindi naman saklaw ng DepEd ang mga sinasabing paaralan, bagkus ay may mga lehitimong paaralan para sa mga lumad na mas pakikinabangan ng mga kapatid nating katutubo.

Nag-iingay itong si Gascon at sinasabing gusto nilang ipaalala sa gobyerno na paglabag umano sa international humanitarian law ang pagpapasabog ng mga paaralan, ospital at mga institusyon ng mga sibilyan.

Bakit hindi subukan ng CHR na kundenahin ang iba pang mga grupong salot sa ating lipunan tulad ng NPA?

Related Posts

Baka naman NPA din ang mga kumakatawan sa CHR ngayon? Mabilis silang makahanap ng butas na isisita nila sa gobyerno, sa totoo lang lahat dapat ng paglabag sa karapatang pantao ay kundenahin nila, hindi yung pinipili lang nila kung saan at sino ang titirahin nila.

Albert Nayor
Bicol

***

Dear Sir:

Ngayon pa ba magtataka ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army kung bakit kinansela ng Pangulo ang peace talks? Nag-mamaang-maangan nanaman sila?

Ang mga proyekto ng gobyerno nauudlot dahil sa mga NPA na yan. Gaya na lamang ng mga sinusunog nilang heavy equipment na gagamitin sa paggawa ng mga kalsada at tulay, sa madaling salita sila ang balakid sa pag-unlad sana ng mga lugar na nangangailangan ng mga proyekto mula sa gobyerno.

Sila rin ang mismong dahilan ng pagkakansela ni Digong sa peace talks. Bira sila ng bira sa militar at sundalo habang ginaganap ang pag-uusap sa Netherlands. Wala ng matinong naidulot ang NPA at CPP sa ating bansa. Dapat lang talaga na buwagin na sila.

Nishen Avalde
Romblon

***

Dear Sir:

Nauuso ngayon ang mga peke. Pekeng produkto, pekeng mga lisenya at dokumento, pekeng pangalan at ma­ging ang balita ay peke na rin. Tinawag na ‘fake news’ ng tagapagsalita ng 803 Infantry Brigade ng Army ang balitang 10 sundalo daw ang napatay ng New People’s Army sa Northern Samar.

Sabi ni Capt. Federico Morales, Civil Military Operations (CMO) chief, walang katotohanan ang pagproklama ng NPA na may 10 napaslang na sundalo.

Pekeng balita umano ito at handa rin sila iharap ang isang sundalo na sinasabi ng NPA na napatay nila.

Totoo man o hindi na nakapatay sila ng sundalo, malinaw lang na propaganda nila ito laban sa mga sundalo at sa gobyerno.

Gusto nilang ipangalandakan na ma­lakas pa rin ang pwersa nila, kahit na ang sa totoo ay nababahala rin sila sa sunud-sunod na pagsuko ng iba nilang kasamahan sa NPA.

Napaulat na rin diyan ang pag suko ni kumander butsoy at ng grupo nito. Ang propaganda ng NPA na ito ay nagpapakita lang na ipinagmamalaki pa nila ang pagiging kriminal nila at ang krimeng ginagawa nila.

Dapat lang tlalaga na hindi na buhayin pa ang peace talks. Dapat itumba na lahat ng CPP-NPA dahil wala sa bokabularyo nila ang salitang kapayapaan.

Nishen Avalde
Romblon