Una sa Balita

LETTER TO THE EDITOR 08/07/2017

0 3

Dear Sir/Ma’am,

Magandang simulain ito ngayong Agosto kung saan ang ASEAN Ministerial Meeting ay napasi­nayan na at ito ay magtatagal hanggang Agosto 8.

Kasama dito sina US Secretary of State Rex Tillerson at Australian foreign minister Julie Bishop. Kaya ko sila nabanggit ay dahil naging kritikal sila sa China sa pag-aangkin at paglagay ng gamit-militar sa ilang inilikhang isla sa karagatan.

Siguradong mapag-uusapan ang Code of Conduct on the South China Sea, pero mukhang hindi pa rin ididiin ang pagkakapanalo ng Pilipinas sa UN Permanent Court of Arbitration.

Pag-uusapan ang seguridad ng rehiyon, partikular ang mga pangamba sa ginagawang missile testing ng North Korea na ikinagagalit ng marami sa mundo.

Nakikita kong may karuwagan ang ASEAN sa pagbibigay ng isang boses bagama’t nais nito ang tinatawag na ASEAN integration! Sa madaling salita, hindi pa rin handa ang ASEAN na banggain ang China sa isyu na ito. Masyadong tahimik ang regional bloc natin kahit malakas naman ito.

Kaya ano naman ang magagawa ng Code of Conduct? Kung sakaling magkaroon ng kasunduan ang ASEAN at China sa Code of Conduct, hindi na ba magtataboy ang China ng mga eroplano o barko na ‘lumalapit’ sa kanilang inaangking teritoryo?

Ilang beses na ring nagpahayag ang China na kahit ang nais nila ay kapayapaan at katahimikan sa rehiyon, wala silang isusuko o bibitawang anumang teritoryo na ina­angkin nila sa karagatan. Sabi nga ni Presdiente Xi Jinping ng China, “China will never permit loss of ‘any piece’ of land!”

Kailan nga lang ay nanawagan ang China sa ASEAN na magkaisa para kontrahin ang anumang bansa na ‘nanggugulo’ lang sa karagatan. Sigurado namang Estados Unidos naman ang lente nito! Ano naman kaya ang masasabi ng U.S.?

Uncle Sam, ano na?! Pilipinas, ano na?! ASEAN, ano na?!!!

Ricardo E. Catindig

Meycauayan, Bulacan