Una sa Balita

LETTER TO THE EDITOR 08/06/2017

0 2

Dear Sir:

Nanawagan si Solicitor General Jose Calida na umaksyon na dapat ang korte para kanselahin ang piyansa ng National­ Democratic Front of the Philippines (NDFP) consultants na may mga crimi­nal cases.

Ayon pa kay Calida kaya pansamantalang pinalaya ang mga ito ay para sa peace­talks, bagay na inayawan na ni Pangulong Duterte.

Sang-ayon ako kay Calida, kung hindi na tuloy ang peace talk kailangan nang ibalik sa selda ang mga rebeldeng salot sa lipunan. Maaari rin naman ilabas na lang sila ulit kung sakalaing magbago ang ihip ng ha­ngin at makipag-usap pa sa kanila ang Pangulo.

Hindi makatwiran na sila ay malaya dahil sa may kaso sila. Paano naman ‘yung mga nauto ng NPA at namatay at ang iba ay nasa piitan? Kaya naman nararapat lang ibalik ­silang muli sa selda.

ALBERT NAYOR

Bicol

***

Dear Sir:

‘Di nag-atubili si Pa­ngulong Rodrigo Duterte na bumalik sa Marawi upang makausap ang mga sundalo at pataasin ang morale ng mga ito.

Ipinaabot niya sa mga sundalo ang balitang libre na ang tuition fee sa mga State Universities and Colleges na kanyang ipinangako na popondohan niya ang trust fund para sa anak ng mga sundalo.

Batid ng Pangulo ang kahalagahan ng edukasyon para sa mga anak ng mga sundalo, kung kaya naman tama lang na inilagak niya ang pondo para rito.

KLEIN DE GUIA

Guagua, Pampanga

***

Dear Sir:

Kinakailangan sa mga panahong ito ay lalong maging mapagmatyag hindi lamang ang ating awtoridad kundi maging tayo bilang mamamayan.

Nakakabahala ang mga lumalabas na balitang mayroon umanong posibilidad na bumuo ng alyansang komunista at Muslim extremist. Kung sakaling mangyari man ito ano na lamang ang mangyayari sa ating bansa?

Nakaka­takot isipin na maaaring mag maala Marawi ang buong Pilipinas dahil dito.

Kaya sana sa ating mga kababayan mas maging bukas ang ating kaisipan na ang mga terorista at rebelde ay pareho lamang. Kailangan natin magkaisa upang masgupo sila at hindi na makapag haasik ng lagim gaya ng patuloy nilang isinasagawa sa iba pang lugar.

Kung mayroon kahina-hinalang mga tao ay dapat ipag bigay alam sa otoridad.

JERSAN ARGUILLES

Mindoro

***

Dear Sir/Ma’am,

Hindi lang ayaw ng NPA ang totoong Peace Talk maging ang Martial Law. Umaksiyon din kaagad ang mga komunista laban sa gobyerno, sa planong pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.

Inutos ng CPP ang kanilang armadong grupo na NPA na magsagawa ng pag-atake sa buong bansa. Hindi sila sang-ayon sa nais ni Duterte na palawigin ang martial law sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taon.

Lalala lang daw ang pang-aabuso ng militar at pulis. Pero sa totoo lang, wala naman akong naririnig na malawakang pang-aabuso na isinagawa ng pulis at militar sa mga sibilyan nitong nakaraang dalawang buwan.

Ganun naman pala. Itigil na nga ang lahat ng pag-uusap hinggil sa kapayapaan. Sa tingin ko wala nang mangyayari sa dalawang panig, na ilang beses nang nagsubok mag-usap.

Baka nag-aaksaya na lang ng panahon at pera ang gobyerno sa CPP-NPA. Hindi talaga magkatugma ang mga pananaw, prinsipyo at ideolohiya. Parang tubig at langis.

Hindi talga maghahalo ang magka-iba lalo’t ang isa ay tama at ang isa ay saliwa!

RICARDO E. CATINDIG

Meycauayan, Bulacan