Una sa Balita

LETTER TO THE EDITOR 07/22/2017

0 4

Dear Sir:

Dakilang traydor kung maituturing ang New People’s Army dahil sa doble-karang pagharap nito sa gobyerno at sa mamamayang Pilipino.

Dakila kung ituring nila ang kanilang mga sarili at ayon sa kanila, sila ang makabagong bayani ng ating lipunan.

Kailan pa naging ba­yani ang pagpatay ng kapwa tao? Kailan pa naging bayani ang pagkamkam, pagsusunog at pangingidnap?

Saang diksyunaryo matatagpuan ang salitang bayani na ang kahulugan ay pagiging salot sa lipunan?

Kahit saang aspeto tignan ‘di maikukubli ang ‘di makataong gawain ng NPA. Ito ang grupong pakuwari ay naghahangad ng kapayapaan at pagkakapantay-pantay ngunit puro pag-atake sa mga maralitang Pilipino.

Ginagamit nila ang usapang pangkapayapaan upang maipagpatuloy ang kanilang mga ‘di makataong gawain.

Hindi sila magpapatalo, hindi sila titigil sa kanilang gawain at lalong wala silang balak makinig sa kahit na kaninong pinuno nila. Ito ang tunay na mukha ng NPA.

Klein de Guia
Guagua Pampanga

***

Dear Sir:

Kapansin-pansin sa panahon ngayon na ‘di na pangkaraniwan ang makakita tayo ng mga kabataan sa mga nagaganap na protesta lalo na tuwing laban sa gobyerno.

Dahil dito, nagpahayag ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) Davao City Chapter na maghahain ng kaso laban sa mga grupo na nag-aakay ng mga menor-de-edad sa mga protesta laban sa pamahalaan.

Malinaw na ginagamit ang mga bata sa protesta, marahil ay dahil nahihirapan sila manghikayat ng mga nakatatanda kaya naman akay-akay nila ang mga ito.

Tunay naman na hindi dapat nakikita ang mga bata sa mga protesta, bagkus ay nasa mga silid-aralan. Nag-aaral nang mabuti at hindi nag-aaral kung paano kumalaban sa pamahalaan.

Dapat lang talagang kasuhan ang mga grupong ninanakawan ng kamusmusan ang mga kabataan, ano ba naman ang malay ng mga batang iyan tungkol sa pinagpoprotesta ng mga kilusang nagmama­galing sa lahat ng bagay?

Andrew Aranas
Tanay, Rizal

***

Dear Sir:

Ano pa kaya ang pinanghahawakan ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group at ‘di nila magawang sumuko na lamang sa mga awtoridad? Samantalang ang iba nilang kasamahan ay nagbaba ng armas at nagtaas na ng mga kamay?

Sana ay mamulat sila sa katotohanang ang lider nilang si Isnilon Hapilon ay hindi na muling babalik pa sa kanilang grupo dahil umanib na ito sa Maute Group.

Nanga­ngahulugan lamang na itinakwil na sila nito at mas pinili ang samahang may suporta mula sa internasyunal na teroristang grupo.

Dahil sa tagumpay na opensiba ng militar laban sa kanilang grupo, napurnada ang kanilang balak na pangingidnap at panggugulo sa Bohol.

Saan na kukuha ng pondo ang mga tulisang ito? ‘Di kalaunan mauubusan na rin sila ng supply ng pagkain, bala, armas at iba pang bubuhay sa kanila sa kabundukan.

Tanggapin na sana nilang tinalikuran na sila ng kanilang lider at wala ng babalik na Isnilon Hapilon sa kanila dahil mas pinili nito ang grupong mas may impluwen­sya kaysa sa grupo nila.

Owen R. Daez
Nueva Ecija

***

Dear Sir:

Nakakatuwa naman at may nasakote na namang mga miyembro ng Maute terror group.

Kung hindi nahuli itong sina Mona­liza Romata, malamang ay magkagulo na rin dito sa CDO.

Siya pala ang pumalit sa papel ni Farhana bilang taga-suporta ng mga terorista. Hindi lamang nila itinutuloy ang operasyon, bagkus ay nagpaplano pa sa mga karatig lalawigan.

Tala­gang nakakatakot, mabuti na lang at ito ay naagapan ng mga militar bago pa maisakatuparan ang maiitim nilang balak.

Sa­lamat po, AFP, sa patuloy na pagbabantay sa amin. At sa aking mga kababa­yan, makipagtulungan po tayo at i-report sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang bagay na ating naririnig o nakikita. Para rin po ito sa kaligtasan nating lahat.

Lindsay Antonio
CDO

***

Dear Sir:

Matapos ideklara ang Martial Law sa buong Mindanao, pinatotohanan na ng Armed Forces of the Philippines na target din ng Martial Law ang New People’s Army at ang mga sindikato ng droga.

Ayon pa sa AFP, ba­hagi ng kanilang tungkulin na pababain ang kapabilidad ng NPA. Hindi rin ligtas sa Martial Law ang mga masasamang loob na nagbebenta at suki ng ilegal na droga.

Ang lahat ng ito ay pagkakataon upang isang bagsakan na malikom ang mga masasamang budhing naliligaw ng landas.

Malaki ang paniniwala ng AFP na ang droga ang sumusuporta sa rebelyon, kaya naman nararapat lang na masupil hindi lamang ang mga terorista kundi pati na rin ang mga may kinalaman sa ilegal na droga.

Albert R. Nayor
Bicol