Una sa Balita

LETTER TO THE EDITOR 07/17/2017

0 3

Dear Sir:

Kagimbal-gimbal at nakakapanginig ng laman ang mga litrato at ang ­balitang natagpuan ang anim na labi ng mga hinihinalang pinaslang ng Maute terror ­grupo.

Mga kalansay na ng matagpuan ng militar ang mga labi sa tinawag na execution site ng teroristang grupo.

Natagpuan ang ibang bungo na may katani pang palakol na posibleng ginamit sa mga biktima.

Ang karahasan at brutal na gawin na ito ng teroristang grupo ay hindi naman nakasaad sa Koran.

Malinaw na ginagawang dahilan lamang ng mga terorista ang Islam upang makahikayat pa ng mga miyembro.

Maging ang mga Mosque hindi nila nirespeto bagkus ay nakita nila ito ­bilang lungga. Walang respeto sa kapwa at relihiyon, sila ang buhay na patunay ng kasamaan.

Jamaica Rey
Compostela Valley

Dear Sir:

Kailan matatapos ang digmaan sa Marawi? Kailan matatahimik ang lugar na nakakabingi sa ingay dahil sa mga bomba at putukan?

Kailan mawawala ang masangsang na amoy dahil sa mga nagging biktima ng gera? Kailan maisasa-ayos ang mga nasirang gusali, kabuhayan, kabahayan at pangarap ng mga taong walang alam sa tunay na dahilan ng kaguluhan? Kailan?

‘Yan ang tanong ng nakararami lalu na ang mga taga-Marawi. Ngunit hindi sa totoo lang kung mayroon man naghihintay at nag uumasam na matapos ang digmaan, ‘yun marahil ang ating kasundaluhan.

Sila na nakikipaglaban para sa bayan, sila na nakikipagbakbakan para masupil ang kasamaan, sila na iniaalay ang buhay sa watawat, bansa at kapayapaan.

Hindi lang mga sibilyan ang ­naiipit sa kaguluhan, kaya nararapat lang na tayo ay magpahatid ng suporta sa ating ­kasundaluhan.

Itigil na sana ng mga may galit sa gobyerno ang pang iinsulto at paninira sa mga sundalo, dahil wala ng ibang handang magbuwis ng buhay para sa bayan kundi ang kasundaluhan lamang.

Andrew Aranas
Tanay, Rizal

***

Meron ba kayong saloobin na gustong iparating sa patnugutan ng ABANTE o gustong ipaalam sa gobyerno sa pamama­gitan ng inyong lingkod na dyaryong ito? Ipadala lamang sa email address na ito:abante_editor@yahoo.com

Importante: Opsyon ng nagpadala kung hindi ipapabanggit ang kanyang pangalan at iba pang impormasyon sa publikasyon ng ­sulat, pero kailangang nasa email ang kumpletong pangalan, ­contact number at address (for Abante file purposes). — Editor