Una sa Balita

LETTER TO THE EDITOR 07/11/2017

0 9

Dear Sir:

Nagpahayag si UP School of Economics, director for public affairs Prof. Agustin Arcenas na wala pang maipagmamala­ki ang economic agenda ni Pangulong Duterte.

Ayon naman sa ibang analyst kapuri-puri ang paglaban ng pangulo sa korapsyon at ilegal na droga na kahit mismong malalapit sa kanya na opisyal na sangkot sa katiwalian ay sibak ang kinahihinatnan.

Sinegundahan naman ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero na kahit anong gawin ng Pangulo mayroong pupuna na kalaban at magsasabing palpak ito.

Tunay ang binitawang salita ni Sen. Escudero, sa lahat nang nagdaang pangulo lahat ng mga ito ay may nasasabing negatibo ang mga tao.

Ang problema sa tao, sila ang pumili at nagluklok sa pangulo ngunit sila rin ang numero unong bumabatikos rito.

Madali para sa kanila ang magsalita dahil wala sila sa kinatatayuan ni Digong.

Kumakaharap sa matinding pagsubok ngayon ang ating bansa hindi lamang sa problema sa ekonomiya, malalang droga, pakikipag-agawan ng teritoryo ng China isama pa ang higanteng problema sa mga terorista.

Ipaubaya at suportahan na lang natin ang pangulo sa kanyang mga hakbang, dahil ang pagtuligsa sa kanyang mga layunin at desisyon ay wala namang maitutulong sa ating bayan.

Hindi kinakailangan ngayon ng pangulo ang batikos, bagkus suporta at pagtitiwala ang kailangan niya.

Madel Viver
Pasay City

Dear Sir:

Magandang balita ang hatid ng Department of Public Works amd Highways (DPWH) na mayroong laan na P20 bil­yon na budget para sa rehabilitasyon ng Marawi.

Sana lang ‘wag itong ibulsa ng ilang tiwaling opisyal na nakikipagsabwatan pa sa mga kontraktor para madaya at makapagnakaw sa kaban ng bayan.

Ayon kay Sec. Mark Villar nakatuon sila ngayon sa masterplan para sa Marawi kasama na rin ang short-term, medium- at long-term masterplan para sa gagamitin pansamantalang pasilidad ng mga kapatid nating bakwit.

Sana marami pa ang mahikayat na mga stakeholders at kababayan natin na tumulong sa ating mga kapatid na lubusang naapektuhan ng digmaan.

Mapalad pa rin tayong mga hindi taga-Marawi dahil hindi natin dinaranas ang hirap at bigat ng pagsubok na kanilang pinagdadaanan, gayundin ng mga sunda­long halos kalahati ng kanilang buhay ay hawak ni kamatayan.

Sana ay marami pa ang mahimok na tumulong sa pagbangon ng Marawi at muli’t muli ay ipadama natin sa ating mga kapatid na walang relihiyong kinikilala ang mga Pilipino sa larangan ng bayanihan.

Lhea Adir
Malaybalay, Bukidnon

Dear Sir:

Napatunayan na lulong sa shabu ang pumatay sa limang katao sa San Jose Del Monte, Bulacan.

At sinabayan pa ng pag-inom ng alak. Talagang may katwiran si Pangulong Duterte na nagwika na, “drug users were not human”. Wala na sa matinong pag-iisip.

Kung anu-ano na ang naririnig. Pagkatapos na mahimasmasan, sasabihin, “trip-trip lang” at hihingi ng patawad. Buhay ng isang pamilya ang kanyang winasak tapos sasabihin lang trip-trip lang at patawad?

Bakit may nakakalusot pang mga adik na ganito. Hindi ba look-out ito ng PNP sa nasasakupang lugar? Wala bang kaalam-alam nito ang mga barangay officials? Imposible na hindi nila ito matunugan.

Ang chismis sa barangay ay madaling kumalat. Takot ba ang mga opisyales na banggain ang mga drug lords sa bayan nila? Wala na bang takot sa kompan­yang “Tokhang” o isa lang ito na ningas-kugon lamang.

Zyrenne A. Yumul

Dear Sir/Ma’am,

Walang modo ang mga Maute! Sinira na nila ang mga Mosque sa Marawi. Hindi lang Simbahang Katoliko ang niyuyurakan ng Maute sa Marawi ngayon pati mga Mosque ng mga Muslim ang binabastos nila.

Biruin mo kalat na sa social media ang video footage habang sinira ng mga pinaniniwalaang miyembro ng Maute group ang mga imahen sa loob ng simbahan na kanilang inokopa sa Marawi City.

Ang naturang kapangahasan ng mga terorista, kinondena ng ilang obispo at pari. See, pati mga alagad ng Diyos, hindi okay sa ginagawa nila!!!

May pagsira nila sa ilang imahen ng santo, at pinaghahampas ang krus sa loob ng simbahan. Pati ang mga larawan nina Pope Francis at Pope Emeritus Benedict XVI, kanilang pinunit. Matatawag ko itong blasphemy at demonic.

Sa kabila nito, ang mga terorista at masasamang elemento man ang nanira sa simbahan sa Marawi, hindi raw ito dapat makaapekto sa kapa­tiran ng mga Muslim at Kristiyano.

Nanawagan ako na huwag magpadala sa gustong mangyari ng mga terorista. Pero dapat pa rin na kontrolin ng publiko ang emosyon at hindi dapat magpadala sa emosyon.

Maria Jumela E.
Decena
Silang, Cavite