LETTER TO THE EDITOR – 02/17/2017


Dear Sir,

Muli na namang na-headline at lumaganap sa internet ang pagbabanta ng Abu Sayyaf Group (ASG) na kanilang pupugutan ng ulo ang kanilang bihag na si Jurgen Kantner, isang German national kapag hindi makapagbigay ang kanyang pamilya at ang kanyang gobyerno ng ransom money na nagkakahalaga ng P30 milyon sa Pebrero 26. Matatandaan na itong si Kantner ay nabihag mula sa kanyang yate habang naglalayag ang mga ito sa karagatan ng Sulu noon pang Nobyembre 2016. Kasamaang palad, ang kanyang kasamang babae na si Sabine Mertz ay napatay ng ASG sa loob misyo ng kanilang yate.

Sigurado ako na tunay na pupugutan ng ulo itong si Kantner kapag walang dumating na pera sa Pebrero 26 katulad ng ginawa nila kina Robert Hall at John Ridsdel dahil nabigo ang kanilang pamilya na makapagbigay ng ransom money.

Wish ko lang na magtagumpay ang AFP na mailigtas siya sa kamay ng ASG. Kasi buo ang paninindigan ng AFP na gagawin nila ang lahat ng pamamaraan na makuha nila si Kantner dahil sa mga nagdaang araw, tagumpay ang kanilang pagtutugis sa mga bandidong ito. Kaunting panahon na lamang, tiyak na malilipol na ang mga ito.

Pinagdiinan pa ni AFP PAO Chief, Col. Edgard Arevalo na ang ating gobyerno ay hindi nakikipag-negotiate sa mga terorista at kanilang sinasalungat ang pagbibigay ng ransom sa ASG. Sapagkat ang ransom money ay ginagamit ng ASG upang suhulan ang mga residente sa komunidad at sanhi upang maging tapat sa kanila ang buong komunidad. Hindi nga naman sila ituturo ng mga residente kung saan sila nagkukuta. Lalo lamang lalakas ang kanilang loob sa pangingidnap at makakabili pa ng mga malalakas na uri ng armas kapag patuloy na i-tolerate ang kanilang mga gawain.

Harinawa pong magtagumpay ang AFP sa kanilang layunin.

Gregory A. Hernandez
Isulan, Sultan Kudarat

***

Dear Sir,

Ang pagkatalaga ni Environment Secretary Gina Lopez ay maituturing na hulog ng langit. Siya lamang ang tanging kalihim na nanindigan sa kapakanan ng mga residente na naapektuhan sa dulot ng pagmimina sa kanilang komunidad. Kanyang mas pinahalagahan ang kabutihan ng mga mamamayan kaysa sa kabutihan ng mga may-ari ng minahan. Imagine, 23 minahan ang kanyang pinasarado at higit sa 75 na kanyang hindi inaprobahan na magbubukas sana ng minahan sa iba’t ibang probinsya ng Pilipinas.


Kung ang mga minahan na ito ay makapagbibigay ng limpak-limpak na salapi sa kaban ng bayan subalit ang kapalit nito ay ang pagkalason naman ng ating mga mamamayan at pagkasira ng ating kalikasan. Alin ang pipiliin natin? Pera o buhay?

Ngayon nasasabak si Kalihim Lopez sa Commission on Appointments (CA) sa kanyang confirmation bilang kalihim ng DENR, tiyak tayo na para siyang lulusot sa butas ng karayom. Maraming mga kasapi ng CA ay maaaring maraming kaibigan sa mga may-ari ng minahan.

Siyempre gagawa ng mga paraan ang mga may-ari ng minahan na masulsolan ang mga kaanib ng CA na huwag palusutin itong si Kalihim Lopez. Maaaring masilaw ang karamihan sa tagingting ng salapi. Ikaw ba naman ang alukin ng bilyun-bilyong piso kada buwan. Isang tanging Gina Lopez lamang ang hindi masisilaw sa bilyun-bilyong piso na sana kanyang matatanggap kung pumayag lamang siya sa mga dikta ng mga may-ari ng minahan. Bilyong piso kada buwan? Isang malaking pagsubok iyon sa panig ni Kalihim Lopez. Subalit nanaig sa kanya ang tunay na malasakit sa kapwa at sa kanyang adbokasiya sa pangangalaga ng kalikasan.

Andres A. Laxamana
Lipa City, Batangas


SHARE