Leptospirosis outbreak: 28 barangay sa Metro
By Juliet de Loza-CudiaNadagdagan ng sampu pang barangay sa Metro Manila ang mayroon na ring leptospirosis outbreak.
Ito ang kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III, mula sa dating 18 barangay ay nasa 28 barangay na ang tinamaan ng outbreak ng leptospirosis.
Kabilang umano sa sampu ang dalawang barangay sa Caloocan City, na nakapagtala ng mahigit tatlong kaso ng sakit, kabilang ang Barangay 176.
“Yung mga barangay na naapektuhan ay nadagdagan pa mula 18 noong huli akong nagpahayag ay nasa 28 na. Nadagdagan ng 10 at nadagdagan ng isang siyudad,” ayon kay Duque.
Matatandaang nagdeklara ng leptospirosis ang DOH sa 18 barangay sa pitong lungsod sa Metro Manila na kinabibilangan ng Quezon City, Taguig City, Pasig City, Parañaque City, Navotas City, Mandaluyong City, at Malabon City.
Ipinaliwanag ni Duque na ang leptospirosis outbreak ay idinideklara sa isang lugar kung ang mga naitalang kaso ay lagpas sa average na bilang ng mga kaso na naitala sa nakalipas na limang taon.
Hinimok rin ni Duque ang mga local government unit (LGU) na paigtingin ang kanilang pagsusumikap na masugpo ang leptospirosis.
Ayon sa tala ng DOH, umaabot na sa mahigit 454 kaso ng leptospirosis ang naitala mula Enero 1 hanggang Hulyo 5, at 58 dito ang nasawi.