Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Leni kay Bongbong: Tanggapin mo na, talo ka talaga

0 295

NAGDESISYON na ang Korte Suprema na si Leni Robredo ang nanalong Vice President bilang tugon sa protesta ni Bongbong Marcos.

Sa kabila nito ay patuloy pa rin sa panloloko si Marcos, ayon kay Robredo sa kabila ng ginawang pagpapatibay ng Presidential Electoral Tribunal (PET) sa kanyang panalo sa 2016 elections.

Ayon kay VP Leni, patuloy pa rin ang pagpapakalat ng kampo ni Marcos ng kasinungalingan at iginigiit na bahagi lamang ng kanyang election protest ang dinesisyunan ng korte.

Paglilinaw ni Robredo, mismong Korte Suprema, na tumatayong PET ang kumitil sa pagpupumilit ni Marcos.

Sa parehong araw ay naglabas ng updated briefer ang SC upang idiin na buong protesta ni Marcos ang ibi­nabasura nito.

Para kay VP Robredo, makasarili ang ginagawang pagpilipit ni Marcos sa katotohanan dahil pagyurak ito ‘di lamang sa kredibilidad ng kanyang pagkapanalo, kundi pati sa mga institusyon ng pamahalaan.

Binigyang-diin niya na nagkaisa sa pagbasura ng election protest ang 15 justices ng Korte Suprema—taliwas sa pinapalabas ng talunang kandidato.

Ayon sa Bise Presidente, dapat siyang singilin ng mga Pilipinong kanyang niloloko.

“Panlilinlang lang talaga,” aniya. “Pero hindi lang ito simpleng pagsisinungaling. Nakita natin kung papaano iyong ambisyon ng isang tao. Ambisyon ng isang politiko para lang makuha niya iyong kanyang inaasam ay sisirain niya talaga iyong mga institusyon. Willing siyang sirain iyong mga institusyon—bahiran ng pagduda ang Comelec, bahiran ng pagduda ang Supreme Court—para lang makamtan niya iyong kanyang kagustuhan. Na para bang, para sa akin, walang pakialam. Walang pakialam sa pagsira sa mga democratic institution para lang sa political gain mo. Tingin ko, ito iyong mas grabe. Iyong mas grabe na wala siyang pakialam,” giit ni Robredo.

Sinusugan ito ng tagapagsalita ng Pangalawang Pangulo na si Atty. Barry Gutierrez, na idiniin na game over na para kay Marcos sa panahong ito.

“Nakakadismaya kasi gaya ng sinabi nga ni VP Leni, ang hirap talaga kapag nauuna ang ambisyon sa lahat,” aniya. “Sana pagkatapos nito, maka-move on na tayo eh. Mahilig naman iyong mga Marcos na magsabi ng ‘move on.’ Siguro panahon din ito para dinggin nila iyong kanilang madalas na sabihin.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.