Una sa Balita

Leni kay Bongbong: ‘Di ako magnanakaw!

0 467

BINUWELTAHAN ni Vice-President Leni Robredo si dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa paratang nito na ninakawan siya ng termino.

“Between the two of us, parang hindi yata ako ang may ugaling mag-rob.

Between the two of us, lahat ng na-achieve ko pinagpaguran ko. Wala
akong fake diplomas, wala akong anything. Hindi ako naglalabas ng fake news. Parang dapat… hindi niya kaya iyon sabihin kasi between the two of us, alam ko hindi ako iyong robber,” diin ni Robredo sa isang press conference.

Nauna rito ay naglabas ng sama ng loob si Marcos hinggil sa hindi pa nareresolbang protesta niya laban kay Robredo.

“By conducting the cheating in the election, they robbed the proper vice president who won the election, myself, from the three years of service,” sabi ni Marcos.

Kahapon, nabigo ang SC na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) na maglabas ng desisyon sa electoral protest ni Marcos kay Robredo.

Sa halip, pinayagan nila ang paglalabas ng report sa isinagawang revision ng balota sa tatlong pilot province na pinili ni Marcos sa kanyang protesta. Ito ay ang lalawigan ng Camarines Sur, Negros Oriental at Iloilo.

Inatasan din ng SC ang magkabilang panig na magsumite ng komento sa loob ng 20 araw hinggil sa hirit na pagbasura sa resulta ng botohan sa vice presidency sa lalawigan ng Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.

Tiniyak naman ni Robredo na isasapubliko niya ang resulta ng ginawang recount sa tatlong pilot province upang maliwanagan ang publiko.

Sinabi pa ni Robredo na binasura na dapat ang protesta ni Marcos alinsunod sa Rule 65 ng PET dahil wala namang nakuhang “substantial recove­ry” si Marcos sa tatlong pilot province bagkus ay nadagdagan pa ang boto niya.

“Nagkaroon ng preliminary conference ang PET, si Marcos ang pinapili ng tatlong probinsya na sinasabi nyang may dayaan, ang pinili nya ay Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental. Kung mayroong substantial recovery sa napili nyang probinsya ay itutuloy ang protesta pero kung wala ay idi-dismiss ito. Nang walang makitang substantial recovery sa tatlong probinsya na ito, ang gusto naman ni Marcos ay pumili ulit ng tatlo sa ARMM at ito ay Lanao, Maguindanao at Basilan, dapat ay ‘yan na lang ang pinili niya nu’ng una pa lang, kung pagbibigyan siya ay wala nang katapusan ito,” himutok ni Robredo.

Batay sa unofficial tally ng kampo ni Robredo at manual count sa ginawang recovery sa tatlong pilot provinces na pinili ni Marcos ay hindi lumamang si Marcos bagkus ay nakarekober pa si Robredo ng may 15,000 na boto.

Hindi naman nagpahayag ang kampo ng mga Marcos kung ilan ang nakuha nitong boto sa ginawang recount.

Muling nanindigan si Robredo na siya ang nanalo at iprinoklamang panalo ng Kongreso noong 2016 election.

“Tapos na ang eleksyon, prinoclaim tayo ng Kongreso, panalo tayo.

Nagkaroon ng recount panalo ulit tayo. Ilang panalo pa ang kailangan para maniwala sya na hindi siya ‘yung nanalo”dagdag pa ni Robredo. (Lorraine Gamo/Tina Mendoza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy