Una sa Balita

Lengguwahe ang hadlang

0 364

AYOS BA?
Carlito Evangelista

Language barrier.

Ito ang harang na tinatangkang buwagin ni DOTr (Dept. of Transportation) Secretary ­Arturo Tugade para raw ma­ging mas katanggap-tanggap sa mga kumukuha ng lisensiya sa pagmamaneho ang sistemang gina­gamit ng LTO (Land Transportation Office) sa mga sumasailalim sa mga pagsusulit ng ahensiya.

Nitong mga nakaraang araw lamang ay ipinagmalaki ni Tugade na magkakaroon na ng bersiyon ng mga regional dialects na pinakaginagamit sa isang lugar o rehiyon ang lahat ng mga pagsusulit para sa mga gustong magkaroon ng lisensiya sa pagmamaneho.

Sa pagbabago ng sistema buhat sa umiiral na wikang Filipino at English o kaya ay Taglish lamang, mas maiintindihan daw ng mga kumukuha ng ­exams kung ano ang itinatanong sa kanila at mas magkakaroon sila ng pagkakataon na sagutin ang mga ito batay sa kanilang mga nalalaman.

Sa unang pagkakataon ay isang tamang hakbang ito dahil talagang tataas ang antas ng pagkakaunawa ng mga sumasailalim sa drivers license application examinations sa mga tanong na nilalaman ng mga test questionaires na pinasa­sagutan sa kanila.

Pero sa kabilang banda, higit sigurong na­ngangailangan ng atensiyon ang pagbabago sa actual driving examinations na ng mga aplikante matapos na sila ay pumasa sa ­written exams.

‘Ika nga, hindi naman ang written examinations ang batayan para maa­yos kang makapagmaneho sa lansangan na katu­lad ng nasa Metro Manila dahil higit na kaila­ngan dito ang angking abilidad at sariling diskarte na parang mahirap makita sa mga test papers ng LTO.

Sa actual driving exa­mination kasi, maraming mga student ­driver ang nato-trauma dahil hindi katulad ng sasakyan na kanilang pinag-aralan ang ipapamaneho sa kanila (noong ako ang nag-actual driving ay owner-type jeep na manual transmission ang ipinamaneho sa akin, mabuti na lamang at sa dyip ako nag-aral).

Sa mga driving school kasi, kalimitang tinatanong muna ang mga estudyante kung ano ang sasakyang imamaneho at kapag mayroon silang ganoong modelo ay iyon ang gagamitin sa pag-aaral o actual open street driving.

At siyempre, pagda­ting sa LTO at ang naki­ta nilang ipapamaneho sa kanila sa driving exam ay hindi gaya ng inaral, talagang magbubutil-­butil ang pawis ng mga ‘yan.

Doon naman sa may mga sariling sasakyan na, dapat sigurong sumama ang LTO examiner sa pagmamaneho sa lansangan bago siya hatulan ng pasado o bagsak at hindi ‘yung panonoorin lamang ang pagmamaneho sa loob ng compound ng ahensiya.

Kaya nga lumalabas, sa isang banda lang nakatulong ang programa ni ­Tugade at ang medyo masaklap pa, ito ‘yung bandang hindi naman pangunahing batayan para maging ma­ayos ang diskarte sa kalye.

In short, may natira pa ring mas malaking harang para sa safe driving.
Ayos ba?

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More