Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Leksyon sa kaso ni ‘Poblacion girl’

0 148

Inosenteng krimen, kung meron man, ang maitatawag sa aksyon na nakasakit o nakamatay nang hindi sinasadya.

 Tulad ng reckless driving o walang-ingat na pagmamaneho ng sasakyang de-motor.  Hindi naman binalak ng drayber pero nakakasakit o nakakamatay eto ng mga inosenteng nasa lansangan.  Maraming puedeng dahilan tulad ng kawalan ng kasanayan sa pagmamaneho, may diperensiya ang sasakyan o ang kalsada mismo.  Hindi man binalak ng drayber, pero nauuwi eto sa krimen ng homicide o bigong-homicide.

 May pagkakahawig eto sa ginawa ni Poblacion girl, isang returning overseas Filipino mula sa Amerika.

 Dala ng pusok ng kabataan at siguro ng mahabang panahong hindi nakapagliwaliw sa ilalim ng pandemya, tumakas si poblacion girl mula sa quarantine upang dumalo sa salu-salo noong kapaskuhan.

Lumabas na positibo siya sa Covid-19 nang sumailalim sa RT-PCR test, at malaking bilang sa mga nakasalamuha niya sa salu-salo ay naging positibo sa coronavirus.  Ayon kay DILG Sec Eduardo Año, posibleng umabot sa 15 ang nahawa ng Covid-19 mula kay poblacion girl; apat sa kanila ay empleyado ng bar kung saan ginawa ang party.  Kung sakaling may masawi sa kanila, posibleng maging pananagutan eto ni poblacion girl. Wala pa namang nai-ulat na nasawi sa kanila habang sinusulat natin eto; huwag naman sanang mangyari.

Pumapasok tuloy sa aking utak ang eksena ng Zombie Apocalypse.  Napasok ng zombie ang isang komunidad ng mga tao.  Matapos makagat ang mga eto, naging zombie lahat ang dating malulusog na miyembro ng grupo.

Kathang-isip lang ang zombie, pero tunay na buhay ang ginawa ni Poblacion girl. 

 Wala siyang binalak na masama maliban sa makapagliwaliw at makapagsaya sa panahon ng Pasko.  Hindi niya sinadyang manghawa ng coronavirus sa mga nakasama niya sa salu-salo.

 Dumating siya sa bansa noong Dec 22, at tumakas sa quarantine hotel ilang minuto pagkatapos mag-checkin.  Nakita siyang nakipagsayahan noong gabi ng Dec 23 sa Makati City.  Bumalik siya sa hotel sa gabi ng Dec 25, at lumabas na positibo sa Covid-19 sa ginawang RT-PCR test nung Dec 26.

Upang pangalagaan ang mga mamamayan, meron na tayong RA 11332 sa umpisa pa lamang ng pandemya.  At sa bisa ng nasabing batas, sinampahan ng kaso ang siyam na katao, kasama si poblacion girl at mga kasabwat niya sa pagtakas.  Multa sa halagang P20,000 ~ 50,000 at/o pagkabilanggo mula isa hanggang anim na buwan ang parusa sa paglabag, depende sa magiging hatol ng hukuman.

Binawi naman ng Department of Tourism ang accreditation at permit ng hotel, at tuluyang ipinasara ng Makati LGU noong Huwebes. Siguradong malulungkot ang may-ari at empleyado ng hotel dahil sa mawawalang trabaho lalo’t panahon ng pandemya.

May panibagong banta mula sa mas matinding Omicron variant ng coronavirus.  At nandiyan pa rin sa paligid ang mabagsik na Delta variant.  Nagbabala ang mga eksperto na maaaring umabot tang kaso ng Covid sa 20,000~40,000 kada araw.  Kapag nagkataon, kukulangin ang kapasidad ng ating mga hospital at quarantine facilities. At ilalagay natin sa alanganin ang mga health workers, mga may-kapansanan, mga may-edad at mga kabataan.

Nanawagan po tayo sa lahat na magtiis muna at sumunod sa mga health protocols.  Tayong lahat ang makikinabang kung mapipigil natin ang pagkalat ng Covid-19.  Magsilbing aral sana ang nangyari kay Poblacion girl.

Leave A Reply

Your email address will not be published.