Una sa Balita

Leksyon sa casino resort attack

0 10

Nakikisimpatiya tayo sa mamamayan ng Las Vegas, lalo na sa mga naulila ng 59 namatay sa pag-atake ng nag-iisang gunman sa Mandalay Bay Resort and Casino.

Maraming Pinoy ang naninirahan sa Amerika kaya hindi rin maiwasang mag-alala ng kanilang mga kaanak at mahal sa buhay dito sa Pilipinas na nakatutok sa mga kaganapan sa Las Vegas.

Nakakapagpaalala sa atin ang trahedyang nangyari sa Las Vegas sa katulad na pag-atake ng nag-iisang gunman din na si Jessie Javier Carlos sa Resorts World Manila noong Hunyo 2017 kung saan 37 ang namatay.

Halos pareho o magkatulad ang nangyari. Iisa lang ang gunman pero unang pinaghinalaang kagagawan ng mga terorista ang pag-atake. Parehong casino resort din ang pinangyarihan ng magkahiwalay na insidente.

Nalutas na ang kaso ng pag-atake sa Resorts World Manila. Ang gunman na si Carlos ay sinasabing nabaon sa pagkakautang dahil nalulong sa pagsusugal. Samantalang hinahanapan pa ng kasagutan kung ano ang motibo ng gunman sa pag-atake sa Las Vegas.

May isa pang pagkakapareho sa insidente. Paanong naipasok sa casino resort ng gunman sa Las Vegas ang kanyang mga baril? Si Carlos naman ay nakapasok sa casino resort kahit armado ito ng mataas na kalibre ng baril.

Patunay ito na maluwag ang seguridad sa casino resort. Sa kung anong dahilan ay isa sa mga iimbestigahan ng mga awtoridad sa Las Vegas. Katulad sa atin na inimbestigahan din ang kakulangan sa mahigpit na seguridad ng casino resort.

Sana maging leksyon ito sa pamunuan ng mga malalaking establisimiyento, lalo na sa mga laging dinarayo ng publiko katulad ng mga casino. Hindi puwedeng tutulug-tulog sa pansitan ang mga security personnel. Dapat 24/7 silang alerto dahil puwedeng mangyari ang inaakala nilang imposibleng mangyari.