Una sa Balita

Leila ‘mother of all drug lords’ – Roque

By
0 2,620

Nagpaabot ng pagbati ang Malacañang sa unang anibersaryo ng pagkakulong ni Senador Leila de Lima sa Custodial Center ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame.

Sinabi kahapon ni Pre­sidential Spokesman Harry Roque na ang pagkakulong ni De Lima ay isang patunay na buhay, epektibo at gumagana ang criminal justice system sa bansa.

Binigyan-diin ni Roque na nakakulong si De Lima dahil sa kasong kinakaharap nito kaugnay sa iligal na droga at nagsisilbing buhay na ehemplo ito na ang Pilipinas ay naging narco-state matapos itong mahalal dahil pinondohan ng perang galing sa droga.

Tinawag pa ng kalihim ang detenidong senador na “mother of all drug lords” dahil pinayagan nitong mamayagpag ang illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City noong ito pa ang kalihim ng Department of Justice.

“Let me first greet Sena­tor Leila de Lima a happy anniversary. Senator De Lima has been detained because of drug charges. She is a living symbol that the Philippines has become a narco-state with her election in office funded by drugs. She is the mother of all drug lords by allowing the illegal drug trade to proliferate inside the National Bilibid Prison when she was the Department of Justice Secretary,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na nasa korte na ang kaso ng senadora kaya iwasan aniyang impluwensiyahan ang ano mang kalabasan nito at hayaang umusad ang ligal na proseso.

Noynoy, Mar todo ang suporta kay de Lima Pangunahing bisita ni De Lima kahapon sa unang taon ng pagkabilanggo nito sa Custodial Center sina dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III at ang talunang presidential candidate na si Mar Roxas.

Kasama sina Aquino at Roxas ng mga senador mula sa hanay ng oposisyon at mga kritiko ng administrasyon na nagpakita ng suporta kay De Lima.

Ang iba pang tagasuporta ng detinedong senador ay nag-rally naman sa harapan ng Camp Crame na may mga bitbit pang placard at tarpaulin kung saan nakasaad ang kanilang panawagan na palayain na si De Lima.

May ginanap din na misa sa loob ng Custodial Center partikular sa detention cell ni De Lima.

Nagdala rin ng 365 na mga rosas ang kanyang mga tagasuporta at kaibi­gan bilang simbolo ng isang taon na pagkakakulong ng senador.

Nakulong si De Lima dahil sa umano’y pagkakasangkot sa illegal drug trade sa loob mismo ng New Bilibid Prison noong Kalihim pa siya ng Department of Justice.