Una sa Balita

LeBron, LA ano problema?

By
0 717

Bawat araw na dumadaan, lumiliit at lumalabo ang tsansa ng Los Angeles Lakers na makapasok sa Top 8 ng Western Confe­rence para makasampa sa playoffs pagkatapos ng 82-game regular season.

Kasalukuyang nasa ika-10 puwesto ang Lakers (30-33), nasa two-game slide at nanalo lamang ng tatlo sa nagdaang 10 laban.

Paglipat ni superstar LeBron James sa L.A. nitong 2018-2019 season, marami ang nagsabi, umasa at nag-predict na dodominahin ng bagong-bihis na Lakers ang West at magiging seryosong banta sa defending back-to-back champs Golden State Warriors.

Pero parang iba ang nangyayari. Ano ba ang problema LeBron?

Pinakahuling sumadsad ang tropa ni LeBron laban sa kulelat sa West na Suns 109-118 Sabado (Linggo sa ‘Pinas) sa Talking Stick Resort Arena na balwarte ng Phoenix.

May isang pambihirang turnover pa si James nang mag-inbound pass kay Tyson Chandler pero sa ilalim ng backboard tumama.

Kitang-kita ang pagod, pagkabagot at pagkadismaya ni LeBron.

Isa sa mga sinasabing dahilan ng pagbulusok pailalim ng Lakers ay ang kakulangan daw ng tulong ni LeBron pagdating sa opensa kaya todo-ligaw ang management kay Anthony Davis bago ang trade deadline noong Pebrero 7.

Alam lahat ang nangyari, hindi nila nakuha si Davis mula New Orleans dahil halos lahat ng core ng Lakers na hindi nagngangalang LeBron ay nais kunin bilang kapalit ng Pelicans para kay Davis.

Mayroon pang 19 games ang Lakers para bumangon at habulin ang No. 8 seed sa ‘Wild Wild West’ na hawak sa kasalukuyan ng San Antonio Spurs (35-29).

Posible pa ring makapasok sa playoffs si James at ang kanyang Lakers.

Kung anuman ang kanilang problema kaya lagi sila natatalo, sila lang ang nakakaalam at sila lang din ang makakaresolba.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy