Una sa Balita

LeBron James umiskor ng 51 kontra Miami

Halimaw!

By
0 663

SA kanyang 16th season, parang wala pa sa bokabularyo ni LeBron James ang salitang slow down.

Umiskor siya ng 51 Linggo ng gabi para giyahan ang Los Angeles Lakers sa 113-97 panalo kontra Miami Heat.

Naging pangatlong player lang si LeBron na umiskor ng 45 o higit pa sa kanilang 16th season. Ang dala­wa pa ay sina Kobe Bryant at Kareem Abdul-Jabbar – dalawang Lakers greats.

Sa kanyang final game kontra Utah, umiskor si Kobe ng 60 points pero nangaila­ngan ng 50 shot attempts sa Staples Center bago naihatid ang Lakers sa 101-96.

“I’ve always been a guy to let the game talk for itself, speak for itself,” ani James. “My body of work speaks for itself, still to this day, 16 years in.”
Bago ang kanyang final game noong April 13, 2016, higit pitong taon na hindi nag-deliver si Kobe ng 50-point game.

Wala pang anim na buwan nang hu­ling maglista ng 50 si LeBron, sa Game 1 ng nakaraang NBA Finals – ‘yung laro na nakalimutan ni JR Smith ang iskor sa final seconds at natalo ang Cleveland sa Golden State na nagpasimula ng sweep ng Warriors.

Kontra dati niyang team na Heat na inihatid sa back-to-back championships noong 2012-2013, tumikada si James ng 19 for 31 mula sa field, 6 for 8 sa 3-point range. Dumating ang 51st point sa malayong 3 sa dulo na halos final score na lang ang hinihintay.

Makalipas ang 16 years sa NBA, walang nabago sa laro ni James. Nag-aaverage siya ng 28.8 points, 7.7 rebounds at 6.9 assists sa 16 games ngayong season.

Nag-average si Bryant ng 27.9 points noong 2011-12, at 27.3 points noong 2012-13.

Sina Steve Nash, John Stockton at Jason Kidd – tatlo sa mga pinakamatitinik na point guard na naglaro sa liga – ang nag-average ng ganoon karaming assists sa kanilang 16th year.

“He’s the best player in the world,” ani Lakers guard Lonzo Ball kay James.

“He could ave­rage 40 if he wanted,” dagdag ng teammate nilang si Kyle Kuzma.

One word si Fil-Am Heat coach Erik Spoelstra kay James na hinawakan niya ng apat na seasons sa Miami: ‘Timeless.’