Una sa Balita

LBC yari sa tambak na reklamo

By
0 10,104

BANTAY-sarado na ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang LBC Express dahil sa tambak na reklamo ukol sa palpak na serbisyo ng courier company mula sa kanilang mga kliyente.

Nabatid na mismong ang DICT na nanga­ngasiwa sa mga parcel delivery service sa bansa ay nakatanggap na rin ng mga reklamo mula sa mga nagpapadala sa pamamagitan ng LBC.

Batay sa impormas­yon, may tatlo hanggang limang reklamo laban sa LBC ang natatanggap ng kagawaran linggo-linggo na mula sa iba’t ibang sangay ng courier company.

May 6,400 sangay ang LBC sa iba’t ibang panig ng bansa maliban pa sa mga tanggapan nito sa labas ng Pilipinas.

Una nang inulan ng mga reklamo ang LBC Express ngayong Marso dahil sa mga naantalang parcel delivery nito mula Davao hanggang Nueva Vizcaya.

Kabilang sa mga ini­rereklamo ng kanilang mga kliyente ay hindi lamang sa pagka-an­tala ng inaasahang pa­dala kundi maging ang ibang empleyado ng kompanya na wala umanong modo sa pagharap sa mga tumatangkilik sa kanilang serbisyo.

Napag-alaman na umaabot sa 99 porsiyento ang mga natatanggap na reklamo linggo-linggo laban sa LBC at sinabi ng DICT na karamihan naman sa mga ito ay inaaksyonan o nasosolusyonan na.

Sinabi naman ng LBC na pasok pa naman sila sa kanilang performance standards at tinawag na ‘isolated incidents’ ang mga pangyayari.

Bukod sa parcel delivery services, tumatanggap din ng remittances ang LBC at nagsisilbing bills payment center.

Pag-aari ng angkan ng mga Araneta ang LBC na itinatag ni Carlos ‘Linggoy’ Araneta. Ang kasalukuyang chief executive officer ng kompanya ay si Santiago ‘Santi’ Araneta.