Una sa Balita

Lazada Nandaya Sa Sale

0 608

ISANG netizen ang binuko ang 11.11 sale ng Lazada na imbes na makatipid, ay napamahal pa.

Sa Facebook post ni Butch Evarola, bumili siya ng tatlong item sa isang LazMall seller, ngunit dalawang item ang sanhi ng kanyang reklamo. Nabili niya ang isang lanyard finger star ng P287.10 at isang silicone cable tie na nagkakahalaga naman ng P198.

Nang matapos na ang 11.11 sale kinabukasan (Nobyembre 12) ay kanyang ti­ningnan ang presyo ng dalawang item at ito ay bumaba sa P281.30 para sa lanyard, at P98 naman para sa cable tie.

Naging dahilan ito para magsampa siya ng reklamo sa Department of Trade and Industry at dito nakipag-usap sa mga tao ng Lazada sa mediation noong Nobyembre 21, 2019.

“Tinanong ako ng Lazada, di raw ba ako nagbabasa ng Terms and Conditions? ‘Prices are subject to change without prior notice’ sabi raw doon. Pero ang sagot ko, ‘May ganon ba habang may 11.11 Sale? Hindi ba pwedeng maabuso yun ng seller? Ano raw ba talaga ang gusto ko, sabi ng Lazada. Sabi ko ‘gusto kong magmulta kayo kasi nalabag ninyo ang consumer rights ko,’” saad sa post ni Evarola.

Walang napuntahan ang mediation at natuloy ang kaso. Nobyembre 29 nagsumite ng position paper si Evarola at Dis­yembre 5 naman ang Lazada.

Nitong Enero 10, pinadala ng DTI kay Evarola ang kopya ng desisyon kung saan makukuha ito ng P114.80 na refund, at magmumulta naman ang Lazada ng P5,000 dahil sa paglabag sa Consumer Act of the Philippines.

“Let this Decision serves as a warning to the Respondent that any similar acts and future violations of the law will be dealt with more severely,” ayon sa order na pirmado ni Atty. Jose Luis Alberto A. Bernardo, adjudication officer.

Binigyan naman ng 15 araw ang Lazada para iapela ang desisyon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More