Una sa Balita

LAYA NA!

By ,
0 8

Tuluyan nang pinalaya ng Sandiganbayan First Division si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo isang oras bago magsara ang opisina ng anti-graft court.

Dakong alas-kuwatro ng hapon kahapon nang matanggap ng Sandiganbayan First Division ang desisyon ng Korte Suprema na nag-aabsuwelto sa kanya sa kasong plunder kaugnay ng maanomal­yang paggamit sa P366 million intelligence fund ng Phi­lippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ayon kay Supreme Court Clerk of Court Atty. Felipa Anam, ang mga abogado ni Arroyo na sina Atty. Laurence Arroyo at Atty. Jessie Laneta ang kumuha ng kopya ng desisyon dakong alas-dos ng hapon.

Inilabas ang main decision, kasama ang summaries ng mga ‘dissenting opinions’ nina Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Associate Justice Marvic Leonin, bandang alas-11:46 ng tanghali.

Matapos matanggap ang desisyon, agad namang naglabas ng isang pahinang “minutes” ang anti-graft court na nilagdaan nina Justice Efren dela Cruz, chairman First Division, Presiding Justice Amparo-Cabotaje-Tang at Justice Geraldine Faith Econg.

“In view thereof, accused Gloria Macapagal-Arroyo and Benigno Aguas are hereby ordered RELEASED from detention immediately, unless they are being held in custody for other reasons not related to this case,” ayon sa inilabas na dokumento ng anti-graft court.

Noong Martes ay inabsuwelto ng 11 mahistrado sa Korte Suprema si Arroyo sa kasong plunder.

Sa main decision, sinabi ng Korte Suprema na walang ebidensya na nagpapatunay na nagkamal ng anumang halaga si Arroyo sa intelligence funds ng PCSO mula 2008 hanggang 2010.

Mayroon pang kina­kaharap na kasong kati­walian si Arroyo sa Sandiganbayan kaugnay ng anomalya umano sa ZTE-NBN deal subalit nakapagpiyansa na ito noong 2012.