Una sa Balita

Laway, luha naghalo sa ending ng Dengvaxia probe ni Gordon

By
Nagpaliwanag si Dr.Scott Halstead isang American Medical Expert kay Sen.Richard Gordon, Senate Chairman ng Blue Ribbon Committee tungkol sa sanofi sa ginanap na pagdinig hinggil sa dengvaxia vaccine.(kuha ni Danny Bacolod)
0 7,710

INUBOS na ni Senador Richard Gordon ang kanyang lakas at laway sa Dengvaxia scandal makaraang tapusin na nito ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon.

Nagpakita rin si Gordon ng pagiging emos­yonal sa ikapito at hu­ling pagdinig hinggil sa kontrobersiya matapos sabayan ang pag-iyak ng mga magulang ng mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Hindi napigilan ni Gordon ang maging emosyonal nang makita ang ilang magulang na umiiyak habang binabasa ng senador ang patient’s right at tinatalakay ang paglabag sa karapatan ng mga magulang na mabigyan ng kompletong impormasyon hinggil sa bakuna bago ito ibinigay sa kanilang mga anak.

“Excuse me, nakita ko lang… naiyak eh… ‘yung isang magulang,” paputol-putol na paha­yag ni Gordon.

Naging emosyonal ang mga magulang partikular nang bigyan sila ng pagkakataon ni Gordon na komprontahin si Health Secretary Francisco Duque kaugnay sa ginagawa nilang monitoring sa mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Binigyang-diin ng ilang magulang na wala silang nararamdamang tulong mula sa Department of Health (DOH) kung saan ang isa pa sa mga ito ay nakaranas ng hindi magandang sitwasyon sa ilang staff ng Philippine Children’s Medical Center.

Sa mga senador, ta­nging si Senate committee on health chairman Jose Victor ‘JV’ Ejercito ang dumalo sa hearing na nakapagbato lamang ng tatlong tanong dahil mistula pa itong minamadali ni Gordon.

Upang hindi na rin magsilbing dekorasyon, agad na ring lumisan sa pagdinig si Ejercito.

Tiniyak naman ni Gordon na irerekomenda nila ang paghahain ng kaso laban sa mga dating opisyal ng gobyerno na sangkot sa aniya’y minadaling pagbili ng Dengvaxia vaccine.