Una sa Balita

Lassiter pinakaastig noong Marso 6-11

By
0 1,741

SI Marcio Lassiter ang pinakamaangas sa dalawang laro sa semifinals ng PBA Philippine Cup.

Back-to-back games ang init ng kamay ni Super Marcio, huli ang ibinaon na game-winning putback na nagbigay sa San Miguel Beer ng 2-0 series lead kontra Ginebra sa PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals noong Linggo.

Inumpisahan ng 30-anyos na si Lassiter ang semis sa tinuhog na limang 3-pointers nang ibaon ang Gin Kings sa Game 1, 102-90, noong Marso 9. Tinapos niya ang laro na may 17 points, five rebounds at five assists para punan ang malamig na opensa ni June Mar Fajardo.

Makalipas ang dalawang araw, kinumpleto ni Lassiter ang pag-ahon ng Beermen mula 15-point hole nang ibalik sa basket ang sablay na layup ni Fajardo para sa 104-102 overtime victory.

Apat na 3s ang ibinaon ni Lassiter sa laro tungo sa 25 points, may eight rebounds, four assists at three steals at dumikit ang SMB sa dalawang panalo pa para makabalik sa ­Finals at idepensa ang titulo.

Sa angas na pinakita, tinanghal si Lassiter na PBA Press Corps Best Player of the Week (Marso 6-11).