Una sa Balita

Lasing na nanghampas ng motorsiklo, kritikal sa saksak

By
0 17

Nasa kritikal na kondisyon ang isang lasing na lalaki matapos na saksakin ito ng may ari ng motorsiklong kanyang hinampas sa kanyang pagwawala kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Patuloy na inoobserbahan sa Amang Rodriguez Medical Center dahil sa tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang nakilalang si Joselito Tablizo, nasa hustong gulang at residente ng Apitong st. Barangay Marikina Height ng nasabing lungsod.

Nadakip naman ng rumespondeng kagawad ng Marikina police ang suspek na si Rey Alvin Dela Cruz, kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas 10:00 ng gabi sa kahabaan ng Apitong St. ng nabanggit na barangay.

Napag-alaman na nagwala ang biktima dahil sa sobrang kalasingan hanggang sa matapat ito sa nakaparadang motorsiklong pagmamay-ari ng suspek na kanyang hinampas ng kahoy.

Nakita naman ni Dela Cruz ang ginawa ng biktima sa kanyang motorsiklo dahilan upang uminit ang ulo nito sabay kuha ng patalim at sinugod ng saksak ang huli.

Nadakip naman ang suspek ng rumespondeng kagawad ng pulisya habang patuloy na nakikipaglaban kay kamatayan ang biktima dahil sa tinamong mga saksak.