Una sa Balita

Lasing na naghamon ng dwelo kay Duterte, humingi ng tawad

By
0 11

Dahil sa nakahiram ng tapang sa alak kung kaya’t sumobra naman ang tapang ng isang lalaking lango sa alak na unang inireklamo umano dahil sa pagpapaputok ng baril, bukod pa sa hinamon nito ng barilan si President-elect Rodrigo Duterte sa Novaliches, Quezon City, dakong alas-12:15 ng mada­ling-araw nitong Martes.

Gayunpaman, nagmistula namang maamong tupa nang mahimasmasan sa loob ng kulungan ng QCPD Novaliches Station 4 at humihingi ng tawad kay Duterte sa kanyang mga pinagsasabi ang dinampot na suspek na kinilalang si Jun Calumpiano y Mendez, 40, binata, vendor at residente ng No. 37 Genoveva St. Brgy. Gulod, Novaliches ng nasabing lungsod.

Ayon kay SPO4 Ferndinand Geli, may hawak ng kaso, inaresto si Calumpiano, dahil sa pagpapaputok ng baril at pag-iinom ng alak sa pampublikong luhar.

Habang inaaresto ang suspek ay dito na umano nagwala ito at nagpakita ng sobrang galit kay Duterte sa pamamagitan ng paghamon nito ng bari­lan. “Duterte magbarilan tayo bigyan mo ako ng baril, magbarilan tayo,” ayon sa suspek matapos na arestuhin. Inamin din nito na walang lisensya ang kanyang baril.

Subalit nang muling makapanayam ang suspek sa loob ng kulu­ngan matapos na mahimasmasan sa kalasingan ay nagmistula na itong maamong tupa.

“Patawad na po Pa­ngulong Duterte lasing lang talaga ako, kaya ako nakakapagsabi ng ganun, hindi ko po talaga alam,” ayon kay Calumpiano.

Kasabay din nito ay nangako narin si Calumpiano na hindi na siya muling iinom ng a­lak.