Una sa Balita

Lasing na Koreano nalunod sa Matabungkay

0 220

PATAY ang isang Korean national matapos itong malunod nang lumangoy na lasing sa dagat sa bayan ng Lian, Batangas Sabado nang hapon.

Sinubukan pang isugod sa Metro Balayan Medical Center ang biktimang si Kim Song Ho, 55, subalit idineklara na itong dead-on-arrival ng sumuring doktor.

Sa ulat na isinumite ng Police Regional Office (PRO) 4-A sa Camp Crame, Sabado nang umaga nang dumating ang pamilya ng biktima sa Matabungkay Beach Resort na matatagpuan sa Barangay Matabungkay ng bayang ito para sa apat na araw nilang bakasyon at swimming.

Nabatid na nagkaroon ng inuman ang grupo at dakong alas-3:29 nang hapon nang maisipan ng biktima na lasing na ng mga oras na iyon na lumangoy sa dagat.

Makalipas ang halos kalahating oras ay nakita na lang na nakalutang ang biktima sa dagat kaya agad itong dinala sa nasabing pagamutan subalit patay na ito nang suriin ng doktor.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente. (Edwin Balasa/Ronilo Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy