Una sa Balita

Landing Casino scam, nabuo sa South Korea Junket

By
0 831

IBINUNYAG kahapon ng isang dating opisyal ng Nayong Pilipino Foundation (NPF) na tumanggap ng regalong biyahe sa South Korea ang ilan niyang kasama sa ahensiya ilang buwan bago ini-award sa Hong Kong developer na Landing International ang $1.5 bilyong kontrata para sa pagtatayo ng casino sa loob ng theme park.

Batay umano sa kanilang rekord, sinabi ni Marie Fema Duterte, dating board member ng NPF, na nagtungo sa South Korea noong Setyembre 29, 2017 ang ilang matataas na opisyal ng ahensiya bilang pagpapaunlak sa imbitasyon sa kanila ng Landing.

Pero tumanggi ito na pangalanan ang mga opisyal na tumanggap ng sponsored trip.

“Sumakay sila sa private plane na pag-aari ng Landing para ipakita ang mga theme park sa South Korea,” ayon kay Marie Fema.

Bumalik aniya sa Pi­lipinas ang mga kasama niya noong Oktubre 4. Natapos umano ang kasunduan ng mga ito sa Landing noong Nobyembre 7.

Hindi naman masabi ni Duterte kung tumanggap ng malaking pera ang mga dating opisyal mula sa Landing dahil hindi siya kasama nang magpulong ang mga ito.

Bukod anya sa rega­long biyahe sa South Korea, ibinunyag din ni Marie Fema ang iba pang umano’y mga nagaganap sa loob ng NPF.

Anya, bigo at para­ting palpak ang operas­yon ng NPF dahil hindi puro sariling tauhan ang bitbit ng matataas na opisyal dito nang italaga sila ni Pangulong Duterte noong 2016.

Wala anyang pagsulong ang NPF dahil pawang co-terminus ang mga empleyado nito. Kulang anya sa malasakit ang mga tao sa loob ng NPF dahil alam nilang matatanggal din sila sa kanilang mga trabaho kapag wala na sa posisyon ang kanilang mga amo.

“Ginagamit ang pera ng Nayong Pilipino sa maling paraan, walang plantilla position, walang accountant,” ani Marie Fema.

Matagal nang may hidwaan sa pagitan ni Marie Fema at ilang miyembro ng NPF board dahil sa pagtanggi ng mga ito na kilalanin ang kanyang pagkakatalaga bilang executive director.

“Hindi nila nirespeto ang gusto ng Presidente na ako ang magiging executive director, pero ok lang kasi part ako ng board of trustees,” ani Marie Fema.

Noong isang linggo, sinibak ni Pangulong Rod­rigo Duterte ang buong board ng NPF dahil sa maanomalya umanong kontrata sa Landing. Inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque ang desis­yon ng Pangulo ilang oras matapos ang magarbong groundbreaking ceremony ng Landing sa sikat na theme park.

Kamag-anak ng Pa­ngulo ang asawa ni Marie Fema. Pero kasama siya sa sinibak na mga opisyal ng NPF board na pinamumunuan ni Patricia Yvette Ocampo bilang chairperson.

Ipinahayag ng Malacañang na ang ginawang aksiyon ng Pangulo ay kaugnay nang pinasok na kontrata ng NPF sa Landing na mas­yadong ‘disadvantageous’ para sa gobyerno.