Una sa Balita

Landing Casino owner inaresto sa Cambodia

0 753

NALAGAY sa alanganin ang planong pagtatayo ng Hong Kong-based na Landing International Development Ltd. ng kontrobersiyal na casino resort sa Entertainment City sa Parañaque matapos arestuhin sa Cambodia ang may-ari nito dahil sa kasong bribery.

Ayon sa mga ulat, dinakip si Landing chair Yang Zhihui sa Cambodia kahapon at agad na pina-deport sa China para harapin ang kasong bribery o panunuhol na isinampa laban sa kanya.

Ang pagdakip kay Zhihui ay malaking dagok diumano sa planong pagtatayo ng $1.5 bilyon casino resort sa property na pag-aari ng Nayong Pilipino Foundation sa Parañaque City.

Nito lamang Agosto 7, sinimulan ng Landing International ang proyekto sa kabila ng inisyal ng pagtutol ng Commission on Audit (COA) sa maanomalyang proyekto matapos silang makakuha ng ‘provisional license’ sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) para makapag-operate ng casino.

Dahil umano sa kuwestiyonableng kasunduan, sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal at miyembro ng Board of Directors ng Nayong Pilipino Foundation (NPF).

Sabi ng Palasyo, nais din umano ni Duterte na makansela ang naturang kasunduan.

Noong Mayo, naghain ng reklamo laban kay NPF chairperson Patricia Yvette Ocampo at sa iba pang miyembro ng board si NPF board member Maria Fema Duterte, mala­yong kaanak ng pangulo.

May kaugnayan ang reklamo sa diumano’y lease agreement na pinasok ng pamunuan ng ahensiya sa Landing Resorts Philippines Development Corp., isang subsidiary ng Landing International.

Iginiit ni Fema Duterte na malulugi umano ang gobyerno ng P517 milyon bawat taon, o P25.85 bilyon sa 50 taon na kontratang pinasok ng NPF sa pagtatayo ng resort-casino.

Kahapon, bumagsak ng 20% ang share ng Landing sa Hong Kong matapos maiulat na nawawala si Zhihui.

Sabi ng Landing International Development, Huwebes pa lang ay wala na silang impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Zhihui.

Pero kalaunan, lu­mabas ang ulat na ina­resto ito sa Cambodia dahil sa kasong bribery.