Una sa Balita

Lalayo pa ba tayo sa isyu ng kredibilidad?

0 373

Sino ba ang dapat nating paniwalaan pagdating sa intelihensya sa isyu ng droga? Si Pangulong Rodrigo Duterte ba o ang Philippine National Police o Department of Interior and Local Government (DILG)?

Kamakailan ay binantaan ni Pangulong Duterte ang mayor ng Malabon dahil  sa patuloy na pamamayagpag ng iligal na droga sa kanyang lungsod. Ayon pa kay Duterte, isang buwang palugit lang ang kanyang ibinibigay sa mayor ng Malabon at kung hindi ay aarestuhin niya ito at itatapon pa sa Manila Bay.

Hindi naman binanggit ng Pangulo ang pa­ngalan ni Mayor Antolin ‘Lenlen’ Oreta pero sino pa nga ba ang mayor ng Malabon kundi si Mayor Lenlen lamang?

At tila bilang sagot, naglabasan na ang iba’t ibang awards ng Malabon tulad na lang ng 2018 National Anti-Drug Abuse Council Ideal Performance Award na mula sa DILG at PNP. Bukod dito ay sinabi pang 40 pors­yento ng mga barangay sa Malabon ay drug-cleared na daw?

Kung paniniwalaan ito, wala na sanang mga balita na patuloy ang bentahan ng droga sa Malabon, pagkakaroon ng shabu laboratory at warehouse na diumano’y aktibo pa rin sa kanilang operasyon?

Mahirap tanggapin na drug-cleared ang isang lungsod lalo na’t may 13 barangay na mantsado sa iba’t ibang isyu ng droga tulad sa Barangay Longos na nahulihan ng shabu ang ilang tanod, ang drug warehouse sa Brgy. Santulan na konektado sa international drug syndicate at pulis na nasabat sa isang drug bust.

Sangkatutak mang award ang matanggap ng isang lugar, hindi mapagtatakpan ang baho ng katotohanan lalo kung mismong presidente ang numero unong hindi kumbinsido. Hindi naman si­guro matatawaran ang mga impormasyong natatanggap ng presidente?

Kaya awards pa more, Mayor?

***

Alam ko hindi lang sa Malabon ito isyu kundi marami pang local na pamahalaan.

Maraming LGUs ang nakakaladkad sa iligal na droga pero ibinabandera ang mga nakamit nilang parangal mula sa ilang grupo at mismong ahensya ng gobyerno katulad ng DILG.

Kaya ang aking pa­nawagan sa DILG, ma­ging mabusisi naman sana kayo para hindi nagagamit ng mga naakusahang pabayang local na opisyales ang mga parangal na tinatanggap nila mula sa inyong tanggapan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy