Una sa Balita

Lalawigan ng Rizal

0 809

Francis Tolentino

Higit 16 na kilometro lamang sa sila­ngan ng Metro Manila ang payak ngunit napa­kagandang lalawigan ng Rizal. Binubuo ng isang lungsod at 13 munisipalidad, ang lalawigan ng Rizal ang pinakamalapit na destinasyon ng mga mahihilig sa pamumundok at mga iba pang adventure. Maging para sa nature tripping, pagtuklas sa kasaysayan at kultura, o para sa adventure, sports and recreation, ang lalawigan ng Rizal ay tiyak na makapagbibigay ng pagkakataon ng sanda­ling kapahingahan mula sa maingay at magulong buhay sa siyudad.

Ang pinag-uusapang Masungi Georeserve sa bayan ng Baras ay tila isang bato-balani na nang-aakit ng mga manglalakbay mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa makapigil-hiningang mga trail na nailatag sa gitna ng limestone landscape ng pinangangalagaang lugar na sadyang dinisenyo para subu­kin ang lakas, tiyaga at determinasyon ng mga mang-aangkyat, ang georeserve ay isa isa ring magandang pagkakataon upang makapagmasid sa kalikasan at mabigyang halaga ang pangangalaga sa mga biyayang ito sa kanilang orihinal na anyo.

Ang bundok ng Daraitan at ang ilog ng Tinipak sa bayan naman ng Tanay ay kilala ring mga destinasyon para sa mga mahihi­lig sa pamumundok. Ang nakakamanghang tanawin sa tuktok ng Mount Daraitan ay tiyak na makakapawi ng hirap at pagod ng mga manglalakbay sa pag-akyat sa nasabing bundok at pagdaka’y paliligo sa ilog.

Subalit huwag lamang nating hangaan ang lalawigan ng Rizal dahil sa kagandahan ng kapligiran nito. Ang lalawigan ng Rizal ay kinilala rin bilang Most Competitive Province in the Philippines sa loob ng tatlong magkakasunod na taon. Ang mabuting pamamahala at magaling na pamumuno ay tiyak na nakapag-ambag ng malaki sa karangalang ito ng lalawigan. Tunay nga, kung ang mga namumuno ay matibay ang paninindigan na italaga ang kanilang sarili sa paglilingkod sa bayan at ang mga mamamayan ay nakahandang sumuporta sa kanilang mga lider, ang bunga ay ibayong pag-unlad para sa lahat. Ang halimbawang naipamalas ng Rizal pagdating sa pamumuno at pag-unlad at nararapat lamang na maibahagi at mapalaganap sa buong kapuluan.

Matatag sa loob ng 117 taon, ang lalawigan ng Rizal ay isang magandang halimbawa ng pagpupuyagi sa gitna ng kahirapan, matibay na pamumuno sa gitna ng mga pagsubok ng mabu­ting pamamahala, at kababaang-loob sa gitna ng tagumpay at karangalan. Sa pagtahak ng lalawigan ng Rizal sa landas ng pag-unlad, nawa’y manatiling tapat ang mga Rizalenyos sa kanilang tungkuling pangalagaan ang biyaya ng kalikasan sa anyong ito’y nilikha ng mapagpalang kamay ng Panginoon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy