Lalaking umawat sa away bumulagta

By

Isang lalaki ang patay matapos pumagitna sa dalawa niyang kasamahang tricycle driver at tangkaing awatin ang mga ito sa kanilang pag-aaway sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PS/Supt. Jemar Modequillo ng Caloocan City Police, alas-10:00 ng gabi nang maganap ang insidente Brgy. 14 ng nasabing lungsod. Kasalukuyang naghahanap umano ng pasahero ang biktimang si Joey Arcega, 51, nang madaanan ang dalawang tricycle driver na inaalam pa ang mga pa­ngalan na nag-aaway umano dahil sa unahan sa pila sa isang TODA sa lugar.

Agad niya itong binaba at inawat. Pumagitna pa ang biktima sa dalawa dahilan upang siya ang tamaan ng mga pinakawalang suntok ng dalawa sa ulo, dibdib at sa binti’t braso.

Dahil dito ay bigla na lamang bumagsak ang biktima sa gitna ng dalawang nag-aaway at dito na tumigil ang dalawa at isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima ngunit hindi na rin ito pinalad pang mabuhay at nasawi habang nasa biyahe pa lamang. Agad namang naglaho ang dalawang tricycle driver na inawat niya. 

SHARE