Una sa Balita

Lalaking ‘sabog’ nag-amok, nanghabol ng saksak sa Valenzuela

By
0 963

May sugat na, kulong pa ang inabot ng isang lalaki na umano’y bangag sa ipinagbabawal na gamot nang barilin ng rumespondeng mga pulis, matapos mag-amok at manghabol ng saksak sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Nagpapagaling na sa Valenzuela City Medical Center si Joel Lacson, 43, naninirahan sa Barangay Mapulang Lupa ng nabanggit na lungsod, dahil sa mga tinamong tama ng bala ng cal. 9mm pistol sa kaliwang tagiliran at tiyan.

Sa ulat ni P/Inspector Edwin Malaay, head ng Mapulang Lupa Sub-station ng Valenzuela Police, bandang alas-sais ng gabi, makatanggap sila ng tawag mula sa mga residente kaugnay sa pagwawala ng suspek.

Base sa tawag, may hawak daw na kutsilyo ang suspek at nanghahabol ng saksak, nanlilisik ang mga mata na ang pinagdidiskitahan ng galit ay ang mga kamag-anak.

Kaagad na rumesponde ang grupo ni Inspector Malaay at tinungo ang kinaroroo­nan ni Lacson kung saan nakita pa nila na winawasiwas ng huli ang hawak na patalim.

Pilit na pinasusuko ng matiwasay ng mga pulis ang bangag na suspek pero hinabol ng saksak ang mga una na nakakober sa mobile patrol, kaya napilitan itong barilin sa kaliwang tagiliran.

Pagbagsak ni Lacson, muli itong tumayo at aktong susugod na naman ito, kaya muling binaril at tinamaan sa tiyan.

Dito na nakakuha ng pagkakataon ang grupo ni Inspector Malaay at nakuha sa kamay ng suspek ang patalim, saka pinagtulungang buhatin at dinala sa nasabing pagamutan.

Nabatid na si Lacson ay nasa drug watch list ng barangay at ng Valenzuela Police.

Kakasuhan ang suspek ng grave threat, direct assault at Batas Pambansa Blg. 6 (illegal possession of ­deadly weapon).