Una sa Balita

Lalaki sinakluban ng plastic sa ulo at saka binaril

By
0 3

Nakabalot pa ng plas­tic bag ang ulo nang pag­babarilin ng hindi pa nakikilalang salarin ang isang lalaki sa gilid ng riles ng Philippine National Railways (PNR) sa Barangay Buli, Muntinlupa City kahapon ng hatinggabi.

Hanggang sa ngayon ay wala pang pagkaki­lanlan ang biktima na tinatayang nasa edad na 30 hanggang 35-anyos, nakasuot ng kulay itim na sando at shorts .

Base sa report ng Muntinlupa City Police, dakong alas-12:30 ng hatinggabi nang matagpuang duguang at wala nang buhay ang biktima sa gilid ng riles ng PNP sa Concepcion Road, Barangay Buli nang nasabing lungsod.

Ayon kay Barangay Kagawad Kaok Loresca, nakatanggap lamang sila ng tawag mula sa mga residente na nakarinig sila ng tatlong sunud-sunod na putok ng baril sa naturang lugar.

Agad naman nila itong ini-report sa pulisya at nirespondehan ang natu­rang lugar na kung saan natagpuang duguan at wala nang buhay ang biktima at nakabalot pa ng plastic bag ang ulo nito.

Sinabi ni Loresca, bago naganap ang insidente may natanggap din silang report na may isang lala­king sapilitang isinakay sa isang motorsiklo ng dalawang lalaki sa bahagi ng Concepcion Road.

Agad naman nila itong inikutan ang naturang lugar subalit wala naman silang nakita.

Subalit makalipas ang ilang sandali nakarinig na lamang ng sunud-sunud na putok ng baril sa lugar na kung saan dito na natagpuang wala nang buhay ang biktima.