Una sa Balita

Lalaki napagkamalang baboy damo binoga ng kasama

By
0 908

PATAY ang isang lala­ki matapos na ito ay mabaril ng kanyang kasama sa pangha-hun­ting sa baboy damo sa Cavinti, Laguna kamakalawa nang hapon.

Kinilala ang biktima na si Pacifico Rea Jr., 37-anyos, residente ng Sitio Calminue, Brgy. Cansuso sa bayan ng Cavinti.

Batay sa report ng Cavinti police, dakong alas-dos nang hapon, kasama ng biktima ang suspek na si Celedenio Rebueno Jr. at ilan pang kaibigan at nangangaso sa kagubatan sa nasabing barangay.

Subalit sa hindi malamang dahilan, napagkamalan ng suspek ang biktima na isang baboy damo at binaril gamit ang ‘di natukoy na kalibre ng baril.

Nagtamo ang biktima ng tama sa dibdib at namatay noon din.

Pinaghahanap pa ng mga pulis ang suspek na agad tumakas matapos ang insidente dala ang ginamit na baril.

Inaalam na rin ng mga pulis kung aksidente ang nangyari at foul play.