Una sa Balita

Lalaki binurdahan ng 2 kasamahan sa inuman

By
0 24

Arestado ang dalawang magpinsan matapos pagtulungang saksakin ang kapwa construction worker matapos ang mainitang pagtatalo habang nag-iinuman, kamakalawa sa Barangay Kapasigan, Pasig City.

Nahaharap sa kasong homicide ang dalawang arestadong sina Junel Navidad at Apolonio Navidad, nasa hustong gulang at kapwa residente ng Pasig City.

Habang dead-on-the-spot naman ang biktimang si Albert Ola matapos magtamo ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na nagresulta ng agarang kamatayan.

Batay sa report, naganap ang pananaksak bandang alas-siete kamakalawa ng gabi habang masa­yang nag-iinuman ang mga suspek kasama ang biktima at ilang katrabahong obrero sa loob ng construction site na makikita sa Alcalde Jose St., Barangay Kapasigan, Pasig City.

Ayon sa nakasaksi, nagkapikunan sila Ola at dalawang magpinsan sa hindi maintindihan umanong usapan na nauwi sa matinding pagmumurahan hanggang sa kumuha ng patalim si Apolonio na hinawakan naman ni Junel at agad na inundayan ng saksak si Ola.

Agad na nagresponde ang barangay at naaresto ang dalawang suspek habang dinala sa Pasig City General Hospital (PCGH) si Ola.