Una sa Balita

Lakwatsero sa gobyerno uubusin ni Digong

By
0 10,585

Nakahilera na ang mga opisyal ng gobyerno na walang ginawa kundi ang bumiyahe sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang nakatakdang sipain sa puwesto ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte.

Ito ang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque kahapon kasunod ng pagsibak kina dating Congressman Terry Ridon bilang Presidential Commission on the Urban Poor (PCUP) chair at Maritime Industry Authority (Marina) chief Marcial ‘Al’ Amaro III.

“Ay naku madami pa po. Sabi ko nga kasi huwag nating isipin na ang Presidente pa­libhasa napakara­ming nagpapadala ng liham eh hindi pinapansin iyong mga reklamo ‘no, ang totoo po  pinapansin po niya ‘no.

Ngayon po alam ko mayroon pang dalawang pen­ding na reklamo diyan at pinatitingnan po talaga iyan sa Presidential Management Staff,” ani Roque.

Ayon kay Roque dalawa pang opisyal  ng pamahalaan ang  namimiligrong masibak sa puwesto at posibleng madagdag sa  humahabang listahan ng mga pinatalsik sa  puwesto.

Iginiit ni Roque na marami pa ang aasa­hang masisibak sa puwesto sa mga susunod  na araw sa sandaling  matapos ang imbestigasyon laban sa mga  ito.

Kahit aniya abala  si Pangulong Rodrigo Duterte  sa  maraming  bagay ay nagagawa  pa rin nitong magbasa ng mga sulat at  reklamong ipinapara­ting sa kaniyang tanggapan.

Kabilang aniya sa  reklamo ang malimit­ na biyahe, na isa aniya  sa ayaw ng Pangulo at ang pagsasamantala sa pera ng taong  bayan.

Sinabi ni Roque na malinaw ang patakaran ni Pangulong Duterte sa mga taga-gobyerno at ito ay maging simple at  iwasan ang korapsiyon.

“Kapag ikaw ay grabe-grabe na magbiyahe ‘no. So, I guess reflected na rin iyan kung paano iyong perspektibo mo sa panunungkulan sa gobyerno ‘no. At ang bibliya naman ng Presidente iyong ating Saligang Batas dapat eh — public service is a public trust, kinakailangan simple ang buhay at siyempre iyong mga batas na umiiral laban sa anti-graft,” dagdag pa ni Roque.

Kaugnay nito ay ibinunyag kahapon ni Puwersa ng Bayaning Atleta Party-list Rep. Jericho Nograles ang umano’y walong beses nang pagbiyahe sa labas ng bansa noong 2017 ni Commission on Higher Education (CHED) chairperson Patricia Licuanan (on official capacity) at hindi kumuha ng tra­vel authority mula sa Tanggapan ng Punong Ehekutibo.

 Ayon kay Nograles, imbes na kumuha ng travel authority mula sa OP alinsunod sa Executive Order 459 s. 2005, itinalaga umano ni Licuanan ang sarili nito bilang ‘approving authority’ sa mga hirit nito para makabiyahe sa abroad (Authority to Travel Abroad).

Paliwanag ni Nograles, nakasaad sa naturang EO na lahat ng miyembro ng gabinete at opisyal na may ‘equivalent rank’ ay kinakailangang kumuha ng travel authority mula sa Office of the President. (With Aries Cano)