Una sa Balita

Lakas ni Balkman irereserba sa ‘G4’

By
0 892

LALAMBOT-LAMBOT ang San Miguel Beer na sumalang sa Ynares Center sa Antipolo Biyernes nang gabi, at pinagbayad sila ng Alaska nang itakbo ang 125-104 win para ilapit ang PBA Commissioner’s Cup semifinals series sa 2-1.

May tsansa ulit ang Beermen na isara ang best-of-five series sa pagbabalik ng Game 4 mamaya sa Smart Araneta Coliseum.

Walang naisagot ang Beermen kahit sa bench ng Aces na naglarong parang walang bukas. Sa kabuuan, napu­wersa sa 20 turnover ang SMB na nagresulta sa 25 points ng Alaska. Nakakuha rin ng 33-16 edge ang Alaska sa se­cond chance points.

“Wala talaga ka­ming energy,” bulalas ni coach Leo Austria sa kanyang Beermen.

Dinomina ng San Miguel ang unang da­lawang laro ng series, pero naisahan sila ng do-or-die Aces.
“We did not play our game. Outhustled kami, outplayed,” dagdag ng coach.

Natapos ang first three quarters na lubog ang Beermen, 94-77, na sa final period ay hindi pinag-umpisa ni Austria ang import niyang si Renaldo Balkman.

Katwiran ng coach, ipinahinga niya ang Puerto Rican para sariwa ang tuhod na makabalik sakaling mailapit ng mga nasa loob ang deficit.

“We were down by 20 and he needs to rest,” paliwanag ni Austria. “We will see kung ano mangyayari at mag-single-digit ang lamang, probably babalik siya.”

Pero lalo pang bumuka ang lead ng Alaska sa 20, umabot pa ng 106-83, kaya hindi na ipinasok muli si Balkman. Irereserba na lang daw ang lakas ng import sa Game 4.

Nanguna pa rin si Balkman sa kinamadang 28 points at 11 rebounds. May double-double din na 18 at 15 si June Mar Fajardo.

Bumalik ang a­ngas ni Vic Manuel na nagsumite ng 24 points sa Aces, may 21 markers at 13 boards si Diamon Simspon. ()