Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Lakas ng kababaihan ang kailangan

0 149

Kahapon, ika-25 ng Nobyembre, sa pagdiriwang ng National Consciousness Day on the Elimination of Violence Against Women and Children, sinabi ni Leni Robredo: “Kailangang makita at yakapin ng bawat Pilipina na walang limitasyon sa kaya niyang gawin.”

Mahalagang usapin itong pagpapalakas sa kababaihan, lalo na ngayong pandemya. Sa isang panahon kung saan maraming padre de pamilya ang nawalan ng trabaho’t kabuhayan, kinailangang dumiskarte ng maraming kababaihan para maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya. Marami rin sa kanila ang pumasan ng responsibilidad na pagkasiyahin ang kung anong meron habang may lockdown. Kasabay pa nito ang pag-aalaga sa mga anak at paggawa ng mga gawaing iniatang sa kanila ng lipunan.

Kaya nga nakapagtatakang marami ang nagsasabing hindi kayang mamuno ng isang babae, gayong paulit-ulit nang pinatunayan ng ating kababaihan ang kanilang husay, diskarte, malasakit, at tatag ng loob sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay. Maraming babaeng lider din naman ang namayagpag sa ating kasaysayan, at lalong maraming babaeng lider ang namamayagpag ngayon sa buong mundo. Katunayan nga, halos lahat ng bansang agarang natugunan ang problema ng COVID ay pinamumunuan ng mga babae — tulad ng New Zealand (Jacinda Ardern), Taiwan (Tsai Ing-Wen), at Germany (Angela Merkel).

Dito sa Pilipinas, nariyan si Leni Robredo. Guro, abogada, biyuda, ina. Kung susuyurin natin ang kanyang buhay, makikitang ibang klase din talaga ang tibay niya. Imagine: Nanilbihan siya bilang congresswoman, habang itinataguyod ang pamilya matapos pumanaw ang pinakamamahal na asawa sa isang trahedya. Nanilbihan bilang Pangalawang Pangulo at naging tapat sa trabaho kahit salat sa pondo, kulang sa mandato, at bugbog-sarado sa paninira at pang-iinsulto. Lahat ng ito, pinagtiisan niya alang-alang sa paglilingkod sa bayan. Lahat ng ito, nagawa niya kasabay ng pagiging isang mabuting ina at ehemplo para sa kanyang tatlong anak.

Walang duda: kababaihan ang magpapahilom at muling bubuo sa watak-watak nating bansa. Isa lamang si Leni sa napakarami pang babaeng lider na lumalaban, naninindigan, at bumabago sa lipunan na ating ginagalawan. Nariyan sila sa Senado, sa Kongreso, sa mga siyudad at munisipyo at barangay. Naririyan din sila sa ating mga paaralan, sa ating mga pinagtatrabahuhan, at sa ating mga tahanan.

Pero higit sa lahat, nariyan sila sa loob ng bawat Pilipina, naghihintay lamang na mabigyan ng pagkakataong ipamalas ang totoong lawak, liwanag, at saklaw ng kanyang kakayahan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.