Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Laguna mayor tinumba sa munisipyo

0 249

Patay matapos barilin sa loob ng kanilang munisipyo si Los Baños, Laguna Mayor Caesar Perez Huwebes ng gabi.

Ayon sa inisyal na report ng Los Baños Police, bandang alas-8:45 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa alkalde na kaagad isinugod sa pinakamalapit na ospital.

Galing sa pagpapamasahe sa spa ng munisipyo ang mayor at naglalakad sa hallway nang dalawang beses barilin sa ulo ng hindi natukoy na suspek. Nakita na lamang na nakabulagta na ang mayor at may dalawang tama ng bala sa kaliwang bahagi ng ulo.

Nabatid na naunang umalis ang driver at sibilyang bodyguard ng mayor para ihatid ang masahista at saka babalikan ang alkalde.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Titingnan pa ng mga awtoridad ang mga CCTV footage sa lugar para matukoy kung saan dumaan ang mga suspek at paano tumakas sa crime scene.

Kinumpirma ni Laguna Governor Ramil Hernandez ang pamamaril at sinabing binawian ng buhay ang alkalde makalipas ang kalahating oras habang ginagamot sa HealthServ Medical Center sa naturang bayan.

Samantala, bumuo na ng Special Investigation Task Group ang Philippine National Police na siyang tututok sa pamamaslang kay Mayor Perez matapos ipag-utos ni Department of the Interior and Local Government ang pagtugis sa mga salarin.

“We have not obtained any information yet as regards the identity of persons responsible for the death of Mayor Perez. Police investigators are now on their feet to start working on getting the pieces of evidence and identifying the mastermind and the perpetrators behind the killing incident,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brig. Gen. Ildebrandi Usana.

Ayon sa Philippine National Police, si Perez, na dati ring vice governor ng Laguna, ay isa sa mga mayor na nakasama sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte at inakusahan na sangkot sa iligal na droga pero taong 2019 ay na-cleared na. (Ronilo Dagos/Edwin Balasa/PNA)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.