Una sa Balita

Laguna high school nabulabog sa ‘meningo scare

By
0 175

NAG-PANIC ang mga estudyante ng Balibago National High School sa Balibago, Sta. Rosa, Laguna matapos na kumalat ang balitang kontaminado ng meningococcemia bacteria ang paaralan kamakalawa nang tanghali.

Agad nag-uwian ang mga nahintakutang mga estudyante at ang iba ay nagpasundo pa sa kani-kanilang mga magulang.
Lalo pang natakot ang mga taga-Sta. Rosa City matapos na mabilis na kumalat ang balita sa social media hinggil sa umano’y mga batang nagpapakita ng sintomas ng nasabing sakit.

Nagsimula ang pagkaalarma matapos mamamatay ang isang Grade 8 student na isugod sa Sta. Rosa Community Hospital noong Biyernes.

Sa ipinalabas na pahayag ng pamunuan ng Balibago National High School, inamin ng mga ito na namatay nga ang nasabing bata subalit sa ospital umano nangyari ang pagkamatay at hindi pa alam kung ano ang tunay na sakit nito.

Gayunman, para aniya sa ikatatahimik ng kalooban ng mga magulang at estudyante, ipinadis-infect na rin ng pamunuan ang mga silid-aralan ng paaralan.

Tiniyak naman ng Laguna Provincial Health Office at ng Laguna Action Center na magsasagawa rin sila ng agarang imbestigasyon sa pangyayari.