Una sa Balita

Lagpas-taong baha kay Maring

By , , , , ,
0 19
baha-quezon-city
Epekto ni Maring — Ganito kalalim ang idinulot na baha ng bagyong Maring sanhi ng patuloy na pagbuhos ng ulan mula kamakalawa ng gabi hanggang kahapon sa may NS Amoranto St., corner Banawe St., Quezon City. (Art Son)

Walang malalakas na hangin subalit halos magdamag at maghapong nag-uulan na nagdulot din ng landslide nitong Lunes ng gabi hanggang kahapon sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon na hinagupit ng bagyong ‘Maring.’

Nag-landfall ang bagyo dakong alas-nuebe ng umaga kahapon sa Mauban, Quezon.

Sa lalawigan ng Quezon, lagpas-tao ang na­ging pagbaha sa bayan ng Atimonan kasama ang bahagi ng Maharlika Highway dahilan upang ma-stranded ang mga sasakyan na patungo at pabalik sa Bicol region.

Napilitang ilikas ang mga residente sa mga apektadong barangay. Nagkaroon din ng landslide sa Maharlika Highway sa Brgy. Binutas, Calauag, Quezon at hindi rin makadaan ang mga sasakyan.

Isang DLTB bus na galing Bicol ang na-stranded sa gitna ng baha matapos pilitin ng drayber na itawid ito.

Dahil sa taas ng tubig, umakyat na sa bubong ang mga pasahero habang isinasagawa ang rescue operation sa kanila.

Sa monitoring naman ng Laguna Action Center (LAC), 13 bayan at lungsod ang nakaranas ng hanggang tuhod na baha, kabilang dito ang mga bayan ng Calauan, Nagcarlan, Paete, Siniloan at Mabitac ganundin ang mga lungsod ng San Pedro, Cabuyao, Calamba at Sta. Rosa.

Ayon kay LAC head Rommel Palacol, nasa 157 pamilya ang dinala sa mga evacuation center sa Los Baños, Nagcarlan, Cabuyao at San Pedro.

Sa Batangas, 190 pamilya ang inilikas sa mga evacuation center matapos bahain ang mga barangay ng Manghinao, Sto. Domingo, San Roque, Poblacion at Aplaya sa Bauan at mga bayan ng San Pascual, Malvar at Batangas City.

Matinding pinsala rin ang dulot ng magdamag na pag-ulan sa Cavite, partikular sa Noveleta na nagmistulang ‘catch basin’ sa mataas na volume ng tubig mula sa upland areas.

Mula ala-una ng madaling-araw kahapon ay umapaw ang tubig sa nasirang breakwater ng Magdiwang River na rumagasa sa mga kabahayan at ma­ging sa mga sasakyan na lumubog sa baha.

Binaha rin ang mga barangay ng Magdalo at Balsahan sa Kawit, lahat ng barangay sa Noveleta, Bagbag at Ligtong sa Rosario at Labac, Mabulo, Bancaan at Ibayo Silang sa Naic.

Inihayag naman ni Felicisima Mungcal, executive officer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Bulacan, na tanging ang Marilao at Meycauayan City ang binaha.

3 PATAY, 13 NAWAWALA

Patay ang isang magkapatid habang apat ang sugatan nang matabunan ng gumuhong lupa ang tahanan ng isang pamilya dakong alas-kuwatro ng madaling-araw kahapon sa Hapay na Mangga, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal.

Dead-on-arrival sa Taytay Emergency Hospital sina Jude, 17, at Justin Pondal, 14. Nakaligtas ang kanilang mga magulang na sina Jun at Judith gayundin ang dalawa pa nilang kapatid.

Patay din ang isang 4-month old baby na hindi pa pinapangalanan habang sugatan ang tatay nito at isa pang lalaki nang maguhuan ng pader ang kanilang bahay sa Barangay 11, Lucena City, Quezon kahapon ng umaga.

Ayon kay Janet Gendrano, head ng Lucena Disaster Risk Reduction and Management Council, alas-sais ng umaga habang kasagsagan ng malakas na ulan nang gumuho ang pader sa likurang bahagi ng Mount Carmel Dio­cesan General Hospital at nabagsakan ang bahay ng mga biktima.

Anim naman ang nawawala sa Brgy. Parian, Calamba City, Laguna matapos tangayin ng ma­lakas na agos ng tubig ang isang bahay sa ilog.

Isang 12-anyos na batang babae ang nalunod sa isang creek sa Pasay City.

Kinumpirma kahapon ng hapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umaabot na sa tatlo katao ang iniulat na nasawi at 13 ang nawawala dahil sa mga pagbaha at landslide.

Ngayong Miyerkules ng gabi inaasahang lalabas ng bansa ang bagyong ‘Ma­ring’