Una sa Balita

Laglagan sa Hugpong ni Mayor Sara namumuro

By
0 1,324

Namumuro ang laglagan ng mga kandidato sa pagka-senador ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Mayor Sara Duterte-Carpio dahil umaabot na sa 15 kandidato ang inindoso ng partido sa 2019 ­senatorial elections.

Nadagdag sa listahan ni dating Senador Ramon Bong Revilla Jr., ang ika-15 kandidatong susuportahan ng HNP sa darating na halalan kung saan 12 lang ang pinag­lalabanang puwesto sa Senado.

Pormal na nilagdaan ni Ma­yor Duterte-Carpio ang pakiki­pagsanib-pwersa ng kanyang partido sa Lakas Christian-Muslim Democrats (Lakas-CMD) nitong nakaraang Miyerkoles sa Lungsod ng Tacloban.

Ang kabiyak ng dating senador na si Bacoor City Mayor Lani Mercado ang kumatawan kay Revilla sa nasabing pagtitipon. Nakakulong pa rin si Revilla sa PNP Custodial Center sa loob ng Camp Crame dahil sa kasong pandarambong kaugnay ng bilyong-pisong Pork Barrel scam.

Bukod kay Revilla, dinala din ng Hugpong ni Mayor Sara ang sikat na medical-blogger na si Dr. Willie Ong.

Kung susumahin ay aabot ng hanggang 15 ang mga ine-endorsong kandidato ng Hugpong para sa papalapit na halalan sa susunod na taon.

Kasama sa listahan ng HNP sina Senadora Cynthia Villar, Taguig Rep. Pia Cayetano, Ilocos Norte Governor Imee Marcos, dating Philippine National Police (PNP) chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa; dating Special Assistant to the President SAP Christopher ‘Bong’ Go, ang magkapatid na Senador JV Ejercito at da­ting Senador Jinggoy Estrada; at si Maguindanao 2nd district Rep. Zajid ‘Dong’ Mangudadatu.

Kabilang din sa mga susuportahan ng alkalde ng Davao sila PDP-Laban President at Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, ­dating Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, LDP President at Senador Sonny Angara, at ang dating Kapuso brodkaster na si ­Jiggy Manicad.

Samantala, hindi pa inilalabas ng Lakas-CMD ang kanilang mga posibleng ampunin na manok mula sa Hugpong.

Una ng sinabi ni Lakas-CMD President at dating Leyte Rep. ­Ferdinand Martin Romualdez na nakareserba na para kina Revilla at Ong ang unang dalawang puwesto sa kanilang senate slate habang ang nag natitirang 10 bakanteng slot ay pag-aagawan ng mga kandidatong inendorso ng ­Presidential daughter.