Una sa Balita

Lagay ng panahon

0 689

Wala naman talagang tiyak at perpektong sistema para malaman ang eksaktong lagay ng panahon. Kaya nga ang ginagamit na pandiwa para sa lagay ng panahon ay ‘pagtataya’. Halimbawa, sasabihin ng weather forecaster na ‘tinatayang aabot ang lakas ng bagyo sa 65 kilometro bawat oras’. Tinataya.

Sasabihin pa ng forecaster: ‘Tinatayang daraan ang bagyo’ sa ganito at ganyang lugar. Tinataya ang lagay ng panahon. Lalo ngayong nakararanas tayo ng madalas na pag-ulan at malimit na pagdating bagyo lalo’t may climate change.

Pansinin ninyo pa rin ang tawag sa mga nagtataya ng panahon, weathe­r forecaster. Matataas ang pinag-aralan ng mga forecaster na ito sa meteoro­logy o ang agham sa pag-aaral na mga weather phenomena.

Hindi eksakto pero kayang magbigay ng forecasters ng malapit na pagtataya sa, halimbawa, ruta ng bagyo gamit ang mga obserbasyon at datos na kayang ibigay ng mga satellite, doppler radar, at iba pang intrumento’t kagamitan na sumusukat sa panahon.

Taya ng panahon ang tawag sa inaasahang mangyari sa isang paritikular na araw o buwan. Pero dahil dumarami na ang instrumento at mas lumalalim na ang pag-aaral sa phenomena ng kalikasan at klima, mayroon na ring pagtataya ng panahon sa mas maliliit na lugar, hindi na lamang rehiyon, ngayon, puwede na ring kada lalawigan o lungsod ang pagtataya sa panahon.

May pagtataya na rin ng panahon sa bawat oras. Lalo kung ito ay may kinalaman sa weather disturbance gaya ng bagyo o malakas na buhos ng ulan. Nasasabi ng weather forecast kung gaano katagal ang pag-uulan, gaano karami ang ibubuhos, at saan-saang lugar. Gayundin ang pagtukoy sa dadaanan ng bagyo at kung anong oras at gaano kabilis o kalakas.

Related Posts

Ngunit ito ay pawang forecast. Pagtataya. Ibig sabihin, matukoy man, dapat laging isaisip na maaaring magbago ang panahon dahil sa maliliit na factor.

Kung kaya nga ito ang ating paksa ngayon. Lagay ng panahon. Sa Tagalog, dalawa ang pangkaraniwang ibig sabihin ng ‘lagay’. Lagay bilang estado o kalagayan, at lagay bilang pagbibigay o paglilipat. Halimbawa. Lagyan mo ng tubig ang timba dahil mawawalan ng supply mamaya. Ganiyang lagay.

Sa lagay ng panahon, natural, ang tinutukoy ay ang estado o kalagayan ng panahon. Ano ba ang lagay ng panahon habang isinusulat ko ito? Maulan sanhi ng habagat na hinatak ng bagyong Falcon. Bed weather, ika nga ng mga millennial. Pero kailangang magsulat para sa espasyong ito.

Pero bukod sa dalawan­g karaniwang kahulugan ng salitang ‘lagay’, sa ating kultura, nauso at naging popular na rin ang ikatlong kahulugan ng ‘lagay’, ito ay ang pagbibigay ng suhol o padulas para sa kung anumang transaksyon sa gobyerno. ‘Naglalagay’ ang iba para mapadali ang proseso o kung hindi man ay hindi na maabala kung nahuli halimbawa sa paglabag sa batas trapiko.

Ang salitang ‘lagay’ na ito ang sumisira sa imahen ng mga naglilingkod sa bayan. Dahil totoo rin naman, mayroong mga empleyado o opisyal na nalalagyan kapalit ng mas mabilis na proseso ng kung pangangaila­ngan. At ito ang mas masamang ‘lagay’ ng ating panahon ngayon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy