Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Lagari

0 111

Dahil marahil sa kakapusan ng salitang maglalarawan sa isang bagay o gawi kaya tayo nakakapagbinyag ng salitang may ibang kahulugan muna pero naglalarawan sa hindi natin mabigyan ng ngalan. Gaya halimbawa nitong salitang lagari.

Ginagamit pamputol sa kahoy o bakal ag lagari. Alam din natin kung paano gamitin, bagamat totoo din namang gayong alam natin, hindi naman tayo bihasa. Siyempre, ang bihasa sa paglalagari ay mga karpitero.

Noong bata ako, gustong-gusto kong panoorin ang naglalagari. Gustong-gusto kong nakikita ang dahan-dahan at tuwid na tuwid na pagkaputol ng kahoy. Gusto kong marinig ang monotonong angil ng talim sa kahoy, gusto kong makita ang pagkahulog ng kusot o iyong mugmog ng kahoy sa pinagputulan.

Nang matapos maglagari ang karpintero, hiniram ko sa kaniya ang gamit. Susubukan ko kako. Ipinahiram naman. Dahil mistulang madali, ginaya ko lamang ang paraan niya. Nasugatan ako nang sa unang hatak, hindi kumapit ang talim sa kahoy, sa halip ay sa daliri ko umigpaw. Dumugo. Napaiyak ako sa sakit nang hugasan ng alkohol at gamot na pula ng nanay ko. Noon pa lamang ay luminaw na sa isip ko na hindi lahat ng mistulang madaling ginagawa ng iba ay madali rin sa akin.

Nasa second year high school naman ako nang sumailalim sa carpentry sa subject na practical arts. Natuto akong gumamit ng lagaring parang tali lang sa nipis. Itong lagaring ito ang ginagamit sa paghugis ng kahoy. Hindi man ako naging bihasa, nagawa kong lagariin nang pabilog ang kahoy.

May sarili kaming lagari noon na kinalawang at nasira na sa katagalan. Iilang beses ko lamang ito nagamit. Kapag may ipapaputol na kahoy o kapag may nabaling kahoy na kailangang lagariin para magpantay. Napabayaan ang lagari dahil hindi ko rin naman naging kabuhayan ang kahit anong may kinalaman sa paglalagari, literal na paglalagari.

Itong hindi literal na paglalagari ang magbibigay ng kulay sa paksa natin ngayon. Ano ba kasi itong lagari na hindi literal na paglalagari? Sa ating kultura, lalo itong popular at napapanahon, naging kahulugan ng isang tao na maraming trabaho ang paglagari. Lumalagari ng trabaho. Noong nasa kolehiyo, naririnig ko ang mga may edad na lumalagari ng dalawa o tatlong trabaho dahil may pinagkagastusan.

Palibhasa, ang karaniwang pag-unawa natin sa trabaho ay iyong isa lang dapat, kaya naman ang may dalawa o tatlong trabaho nang sabay-sabay ay para ngang paglagari. Yong hindi lang iisang ngipin ang ginagamit, iyong kapag pasulong ay nakapuputol ganoon din kapag pabalik. Asta ng lagaring pabalik-balik.

Lagari ang nagtratrabaho sa isang opisina pero sa pag-uwi ay namamasada pa ng UV Express. Lagari ang isang namamabrika na nagtitinda sa kaniyang mga kasama ng kung ano-ano para sa dagdag na kita. Lagari ang artista na may tatlong magkakaibang taping ng palabas sa isang araw. Lagari ang isang propesor na kailangang tapusin ang kaniyang lingguhang kolum sa dalawang dyaryo.

Hindi na nakapagtataka ngayon ang isang manggagawang lumalagari. Hindi naman madali ang buhay. Nasa gitna tayo ng krisis, apektado lahat. Ayos lang naman lumagari huwag lang sana pabayaan ang sarili.

Leave A Reply

Your email address will not be published.