Una sa Balita

LADY MAROONS DUMIKIT SA SEMIS

By
0 4

Mga laro sa Miyerkules (The Arena, San Juan)
4:00 p.m. — Bali Pure vs Baguio
6:00 p.m. — Air Force vs Iriga

Nakaporma palapit sa semifinals ang University of the Philippines matapos talunin ang Iriga 25-17, 25-17, 25-19 sa Shakey’s V-League Season 13 Open Conference sa The Arena sa San Juan kahapon.

Nagpakitang gilas si Diana Mae Carlos na gumawa ng 13 points para sa Lady Maroons, si team captain Kathy Bersola ay nag-ambag ng siyam na marka. May tig-anim pa sina Nicole Tiamzon at Marian Buitre.

“Masaya silang nag­laro and naglaro sila, exe­cute lang that’s how we want pero ‘di pa ‘yan ang tao natin, we are still practicing hindi pa naman ‘yan final,” saad ni UP coach Jerry Yee.

Nakaangat sa 2-3 ang UP na galing sa mapait na five-setter loss sa BaliPure noong nakaraang Lingo.

Pero kailangan pang ipanalo ng Lady Maroons ang huling dalawang laro sa elims para tuluyan nang makapasok as semifinals.

Sasagupain ng UP ang National University sa Sabado at Laoag naman sa susunod na Lunes.

“NU and Laoag parehong lumalaban ‘yan so magandang gauge ‘yun kung ano ba talaga ang skill level namin,” sabi ni Yee.

Bumomba si Grazielle Bombita ng 11 puntos, si Shola Alvarez naman ay may siyam na marka para sa Iriga na nalaglag na sa 1-5. Sina Karen Levina at Shallane Eniong ay may tig-anim na puntos para sa Lady Uragons.