Una sa Balita

Lady gasoline attendant, kritikal sa sagasa

By
0 3

Nasa malubhang na kondisyon ang isang gasoline lady attendant matapos mabundol ng isang  kulay itim na Hyundai car habang tumatawid sa kalsada kahapon ng madaling araw sa Sta. Cruz, Maynila.

Walang malay nang isugod sa Metropolitan Hospital ang biktimang si Dianne Viesca, 27, ng ilang nakasaksi sa insdente.

Habang sumuko naman sa Manila Traffic Bureau ang suspek na si Jeremy Ayat, 41.

Sa  record ng CCTV ng Barangay 334, Zone 33, nakita na dakong alas-dos ng madaling araw nang  tumawid sa kalsada ang biktima, di kalayuan sa pedestrian lane nang bigla na lang itong masagasaan ng  kotse (ACX-9698), na mabilis ang takbo at minamaneho ng suspek sa northbound lane ng Rizal Avenue sa Sta. Cruz.

Tinangka pa umano ng biktima na umiwas pero  huli na dahil nahagip rin siya ng sasakyan at sa lakas ng impact nang pagkakabangga ay tumilampon  ang biktima sa windshield ng kotse, na nabasag dahilan para magtamo ng sugat sa ulo at katawan ang biktima.

Nalaman kay Elizabeth Barnachea, kasamahan ng biktima na katatapos lamang ng duty ni Viesca, na nagtatrabaho bilang pump attendant sa isang gasoline station, at pauwi na sana nang maganap ang aksidente.

Habang kagagaling naman umano ni Ayat sa isang birthday party at pauwi na sana nang maganap ang insidente at inamin nito na bahagya siyang nakainom.