Una sa Balita

Lady enforcer ng MMDA na nabundol ng armoured van, namayapa na

0 692

HINDI na naisalba at binawian na ng buhay ang lady traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nabundol ng armoured car sa Quezon City.

Ang biktimang si Maricel Gammad, 27-anyos, dalaga, traffic constable III ng MMDA, tubong-Tugegarao, Cagayan, at naninirahan sa No. 44 Roa, Holy Trinity Ext., Brgy. Payatas ay binawian ng buhay ganap na alas-nuebe nang gabi habang nilalapatan ng lunas sa EAMC sanhi ng matinding pagkabagok ng ulo.

Nakapiit ngayon sa detention cell ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang akusado na si Dennis Tanate Ellaraiz, 40-anyos, driver ng Isuzu Elf armoured van (WHZ-330) at residente ng No. 141 Sitio Mulawin, Brgy. San Juan, Valley Golf Road, Cainta, Rizal.

Si Ellaraiz ay kinasuhan na sa QC Prosecutors Office ng reckless imprudence resulting to homicide.

Base sa report kay P/Chief Insp. Aldrin M. Enrico, hepe ng Trafffic Sector 3 ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU), dakong alas-10:05 nang umag­a kamakalawa, nang ma­bundol ng armoured vehicle si Gammad habang nagmamantine ng daloy ng trapiko.

Sa imbestigasyon ni PO3 Allan Paul Florendo, matulin na binabaybay ng armoured van ang northbound lane ng Epifanio delos Santos Ave­nue (EDSA) patungo sa direksiyon ng Balintawak at pagsapit sa tapat ng ES Transport Bus Terminal ay nabundol ang lady traffi­c enforcer.

Sa lakas ng pagkabundol ay tumilapon at gumulong nang tatlong beses at nabagok ang ulo sa konkretrong semento ang biktima na kanyang ikinasawi habang nilalapatan ng lunas sa ospital.